MANILA, Philippines - Tanging ang DZMM Radyo Patrol 630 lamang ang broadcast company sa Pilipinas na pasok bilang finalist at makikipagpaligsaÂhan sa tatlong kategorya sa prestihiyosong Asia Pacific BroadcasÂting Union (ABU) Prizes 2013 na gaganapin sa Hanoi, Vietnam ngayong Oktubre 28.
Makakatapat ni Ted Failon ang iba pang mamamahayag mula sa IRIB ng Iran, ABC ng Australia, at RNZ ng New Zealand sa Best On-Air Personality Category para sa programa niyang Failon Ngayon.
Nominado naman ang Habagat, ang special news coverage nito sa naganap na malawakang pagbaha at matinding pag-ulang naranasan noong unang bahagi ng Agosto ng nakaraang taon para sa News Reporting Category. Makakatunggali nito ang iba pang entries mula sa RTHK ng Hong Kong, ABC ng Australia, at RNZ ng New Zealand.
Makakalaban naman ng promo campaign nitong DZMM Halalan 2013 noong nagdaang eleksiyon ang entries ng VOV ng Vietnam, RTM ng Malaysia, at Radio Broadcasting FM ng BangÂladesh sa kategoryang Radio Special Jury Prize.
Noong 2007 ay nakapag-uwi na ng karangalan ang DZMM mula sa ABU Prizes na ginanap noon sa Tehran, Iran. Nakuha ng Alas-Onse Y Media, na ngayon ay RPB Alas Dose ang ABU Prize para sa News Program (Radio) dahil sa coverage nito sa pananalasa ng bagyong Reming sa Bicol.
Itinatag noong 1964, ang ABU ay isang non-profit, non-governÂment at professional association na may 255 miyembro mula sa 63 bansa. Layunin nitong paunlarin ang industriya ng pamamahayag.