‘Kung kami pinu-push n’yo at kinakasuhan kami kapag may konting digits na hindi nabayaran’

Judy Ann galit, gustong makasuhan ang mga pulitikong sangkot sa pandarambong

Malapit nang mapanood ang pinakabagong programa ni Judy Ann Santos sa Kapamilya Network na Bet On Your Baby. Ayon sa aktres, nakatakda raw munang magbakasyon ang kanilang buong pamilya bago pa magsimula ang kanyang bagong proyekto. Nagkataon lamang na nagkasakit at naospital ang asawang si Ryan Agoncillo kamakailan  kaya mauurong ng araw ng kanilang pagbabakasyon.

“Dapat ’di ba magbe-vacation kami pero since nagka-dengue siya, naka­­bakasyon naman kami sa hospital but we’re still going to go on a vacation next week,” nakangiting pahayag ni Judy Ann.

Samantala, sobrang dismayado raw ang aktres tungkol sa mainit pa ring pinag-uusapan na pork barrel scam.

“Sana ay ginagamit ng mga pulitiko ang pera ng gobyerno para sa mga mamamayan at hindi para sa sariling kapakanan lamang.

“Kumbaga, we try to be responsible naman with your job dahil hindi mada­ling magtrabaho lalo na ’pag may pamilya kang binubuhay, may mga bata kang gustong pagtapusin ng pag-aaral. So, nakaka-frustrate kasi nagkataon na hindi lahat ng pulitiko, hindi ko naman nilalahat, but I don’t want to name names because mahirap naman na mag-point ng finger. Pero ang sa akin lang, kung sino talaga ang may kasalanan, pagbayarin at mag-explain,” paliwanag ng aktres.

“Ako, ilang taon ko binuno ’yung kaso ko. Eight years akong may kaso with the BIR (Bureau of Internal Revenue). Sa akin lang, the BIR was just doing their job, collecting taxes and they give it to the government. ’Yung government ngayon ang magbibigay ng pera sa mga pork barrel. Parang point lang is, kung kami pinu-push n’yo at kinakasuhan kami kapag may konting digits na hindi nabayaran, bakit hindi n’yo kasuhan ’yung mga pulitiko na malaking, malaking digits ang kinuha sa pera namin?”

Erik natatakot mawalan ng career sa pagsulpot ng mga baguhang singer

Nangangamba raw si Erik Santos sa mga bagong nagsusulputang mga bagong singer lalo pa’t sampung taon na rin siya sa industriya.

“Siyempre naman, lalo na kapag may balladeers akong nakikita sa mga singing contest. Medyo. Baka mamaya ’pag sumikat sila mawala ako. Pero kumbaga ’yun lang ’yung unang iniisip ko. Bilang being in the business for ten years kahit paano nakakanta na rin ng maraming theme songs. I think, I believe, na medyo established na rin naman ’yung pangalan ko as a singer,” pahayag ni Erik.

Gusto sana ng singer na manatili pa rin siya sa industriya kahit na mayroong mga bagong singer na makikilala.

“Mas maganda niyan kung meron mang darating na bagong balladeer nandiyan pa rin ako. ’Yun ’yung goal ko naman talaga, to be iconic. I want to be an icon, to stay in the business as long as gusto nila akong makita sa concert. Nandito pa rin ako para sa kanila,” dagdag ni Erik.

Pinaghahandaan na ng singer ngayon ang kanyang concert na gaganapin sa Nov. 9 bilang seleb­rasyon ng kanyang unang dekada sa showbusiness. Reports from JAMES C. CANTOS

 

                         

 

Show comments