Tinutukan kahapon ng sambayanang Pilipino ang privilege speech ni Senator Jinggoy Estrada sa senado.
Kasabay ng privilege speech ni Papa Jinggoy ang 47th birthday ni Senator Bong Revilla, Jr. Kahapon ang actual birthday ni Bong pero inasalto namin siya sa bahay nila ni Lani Mercado sa Bacoor noong Linggo.
Kahit kaarawan niya, umapir si Bong sa senate session kahapon at malinaw na ebidensiya na nakita siya sa TV habang nagsasalita si Papa Jinggoy na parang naging endorser ng Jollibee dahil binanggit niya ito sa kanyang privilege speech, pati na ang mga produkto na chicken joy, hamburger, at ang langhap sarap slogan.
Kung isang teleserye ang privilege speech kahapon ni Papa Jinggoy, tiyak na mataas ang ratings nito dahil inabangan ang kanyang pagsasalita at mga pasabog.
Tinupad ni Papa Jinggoy ang pangako na papangalanan niya ang ibang mga mambabatas na sangkot din sa pork barrel scam pero hindi nababanggit sa mga newspaper. I’m sure, magagalit at bayolente ang magiging reaksiyon ng mga mambabatas na ibinuking ni Papa Jinggoy.
Sinuportahan ng mga kapatid niya ang pagsasalita ni Papa Jinggoy sa senado. Nakita sa audience gallery ang kanyang mga kapatid na sina Jackie Lopez at Jude Estrada. Nahagip din ng mga TV camera sa audience gallery ang kapatid ni Bong, si Bacoor Councilor Rowena Mendiola na to live for ang napakasarap na empanada.
Natikman ko ang masarap na home made empanada na gawa ni Rowena at dinala niya sa birthday asalto para kay Bong noong Linggo. Nag-uwi ako sa bahay ng ilang piraso at dahil sa sobrang sarap, napapanaginipan ko ang empanada niya. Paging Rowena!
Benjamin inisnab ang cosmo bash
Nagbukas kahapon sa mga sinehan ang Sana Dati, ang pelikula ni Lovi Poe na best picture sa Cinemalaya Philippine Independent Film Festival 2013.
Humakot ng awards sa Cinemalaya ang Sana Dati kaya highly recommended ito sa moviegoers na naging bisyo ang makapanood ng magandang pelikula. Co-stars ni Lovi sa Sana Dati sina Paulo Avelino, TJ Trinidad, at Benjamin Alves na hindi nag-participate sa Cosmopolitan Bachelor Bash noong Martes. Chance na sana ni Benjamin na ibuyangyang sa publiko ang sexy body na pinaghirapan niya na ma-achieve.
Naging relasyon ni Direk Wenn kay DJ, pinagpipiyestahan!
Winner na winner ang pasabog ni Wenn Deramas na tumagal nang ten years ang relasyon nila ni DJ Durano.
Marami ang nag-react sa news ng Pilipino Star Ngayon (PSN) tungkol sa mga rebelasyon ng direktor ng Bekikang: Ang Nanay Kong Beki.
Ako ang tinatanong sa reaksiyon ni DJ. Paano ko malalaman ang reaksiyon niya eh hindi naman kami phone pals? Magkakilala kami pero hindi kami close.
Hintayin natin ang pagsasalita ni DJ dahil baka sakaling pagbigyan nito ang request ng mga reporter na sagutin niya ang rebelasyon ni Wenn na pinagpipistahan ng mga tsismoso at tsismosa na parang first time lamang nakarinig ng kuwento tungkol sa direktor at aktor na nagkaroon ng relasyon.
Ikinukumpara nila ang love story nina Wenn at DJ sa kuwento ng My Husband’s Lover pero may ibang twist.
Puwedeng i-deny ni DJ ang mga claim ni Wenn pero baka walang maniwala. Wala sa image ni Wenn ang gumagawa ng kuwento para maging kontrobersiyal. Hindi niya kailangan ng isyu para mapag-usapan ang kanyang mga pelikula dahil pinipilahan ito sa box office.