Reporters ng ABS-CBN pinagkalooban ng scholarship sa iba’t ibang bansa
MANILA, Philippines - Nabigyan ng pagkakataon ang ilan sa mga mamahayag ng ABS-CBN News and Current Affairs na makapag-aral at makapagsanay sa ibang bansa sa pamamagitan ng mga prestihiyosong international fellowships at scholarship para lalo pa silang mahasa sa larangan ng pagbabalita.
Isa si Niña Corpuz sa mga mamamahayag mula sa iba’t ibang panig ng mundo na naimbitahang lumahok sa 2013 Global Issues Press Fellowship program ng United Nations Foundation sa New York City, USA. Ayon kay Niña, tatalakayin dito ang mga pinakamahahalagang isyung pangkalusugan at kaunlaran na siyang makakatulong sa kanyang pag-uulat para sa ABS-CBN at bilang anchor ng Magandang Gabi Dok sa DZMM.
Si Niña ang nag-iisang kinatawan ng Southeast Asia sa naturang fellowship kung saan bibigyan din ng pagkakataon ang mga kalahok na harapang makipagtalakayan ang ilan sa mga nangungunang eksperto, lider, at personalidad gaya nina Al Gore at will.i.am.
Ginawaran naman ng British government ang Senate reporter na si Ryan Chua ng prestihiyosong Chevening scholarship. Sa kasalukuyan ay nag-aaral si Ryan sa City University London upang makuha ang kanyang masters degree in International Journalism.
Samantala, nasa Kuala Lumpur, Malaysia ngayon si Jeff Canoy para daluhan ang International Journalism Fellowship ng Malaysian Press Institute at doon ay mas mahahasa pa siya sa pagkalap at paghahatid ng balita gamit ang iba’t ibang media platforms.
Tumungo rin sa Estados Unidos nitong Agosto si Paul Henson, ang executive producer ng Bandila, upang makibahagi sa international journalism program ng World Press Institute. Kasama ang siyam na fellows, iikutin ni Paul ang nasabing bansa para bisitahin ang headquarters ng pinakamalalaÂking news organizations at makapanayam ang mga kilalang mamamahayag, opisyal, at maiimpluwensiyang personalidad para mas lalo pa nilang matutunan ang sistemang pampulitika, kultura, estado ng media, at ekonomiya ng Amerika.
- Latest