AiAi at Marian 3 buwang nag-train sa kung fu ng totoong Chinese masters

Hindi naman lahat ng mapapanood sa unang pagtatambal nina AiAi delas Alas at Marian Rivera ay computer-generated. ’Yung galing sa kung fu na ipinamalas nila ay walang tulong ng computer. Tatlong buwan silang nag-train sa martial arts na ito sa ilalim ng pamamatnubay ng mga tunay na Chinese master na import pa nila mula sa Beijing, China.  

Si AiAi nga kahit sumasakit ang likod ay pumayag na mailagay sa harness para dun sa mga stunt nila ni Marian na parang lumilipad sila. Pero ’di tulad ng napapanood sa trailer ng pelikula, hindi puro aksiyon ang handog nila. May elemento pa rin ito ng comedy at drama. Wala ring napag-iwanan sa roles, nagawang balansehin ni Direk Onat Diaz ang mga ginampanan ng dalawa niyang bidang babae.

Hindi maaaring may maiwan dahil kuwento ng dalawang babae ang pelikula. Dalawang babae na hindi patatalo sa isa’t isa pero isang pangyayari ang magtutulak sa kanila para magsanib puwersa para matalo ang isang malakas na kontrabida.

Bahagi ng 20th anniversary ng Star Cinema ang Kung Fu Divas na hindi lamang nagtatampok kina AiAi at Marian, co-producer pa sila ng pelikula kasama ang Star Cinema, Reality Entertainment at O & Co. Picture Factory. Hindi lamang mga talent fee nila ang ipinangprodyus nila, nagdagdag din sila ng pera para lumaki pa ang budget ng pelikula kaya nga mas napaganda ito.

Gumaganap na kapareha ni Marian sa movie si Edward Mendez na nakuha nila sa audition. Pagkakita nilang lahat dito ay agad na silang pumayag na makasama ito sa movie. Medyo matagal na ring artista si Edward pero ang Kung Fu Divas ang pinakamalaking proyekto niya. Sa pelikula ay palagi siyang nakahubad at dahil sa kaguwapuhan niya ay palaging nalalaglagan ng panty sina AiAi at Marian.

Palabas na sa Oktubre 2 ang pelikula.

Piolo at gerald hinihintay na sa GMA

Magandang senyales sa ikauunlad pa ng industriya ng pelikula ang ginagawang pagtawid sa kalabang network ng ilang mga artista. Nauna nang gumawa ng pelikula sa kalabang network si Dingdong Dantes. Hindi lamang siya kumita, nanalo pa rin siya ng award. Na-inspire siya kung kaya nasundan pa ang unang pelikula niya sa Star Cinema.

Ngayon si Marian Rivera naman ang may movie sa film arm ng ABS-CBN. Bagama’t pinagtatakhan ng marami ang ginawang pagpayag ng GMA na pagawin siya ng movie sa kalabang istasyon, tinitingnan ito ni Marian bilang pagmamahal sa kanya ng istasyon. At kung suwertehin siyang kumita ang pelikula nila ni AiAi delas Alas ay masusundan pa ang Kung Fu Divas.

Si Dennis Trillo naman ang kasalukuyang may ginagawang negosasyon para gumawa ng pelikula sa Star Cinema. Gusto sana niya na ang makasama ay si Angel Locsin pero dahil patung-patong ang schedule nito kung kaya kailangang makuntento siya sa kung sinuman ang libre na maibibigay sa kanyang kapareha na isang Kapamilya.

Kailan naman kaya may Kapamilya na tatawid ng Kapuso Network? Maging kasing generous kaya ng GMA ang ABS-CBN na maipahiram din sina Piolo Pascual, Gerald Anderson, at mga kasama?

Show comments