After Marian, Dingdong magiging madalas din sa Kapamilya!

MANILA, Philippines - Sabay na tumapak sa bakuran ng ABS-CBN ang Kapuso Primetime King and Queen Dingdong Dantes and Marian Rivera the other night. Si Marian ay nag-attend ng presscon ng Kung Fu Divas at obviously ay sinamahan siya ng boyfriend.

Actually, hindi lang si Marian ang magpo-promote ng pelikula sa ABS-CBN (for Kung Fu Divas) kundi maging si Dingdong din dahil before the month of October ends, ipalalabas naman ang pelikula ng actor na ka-partner si Bea Alonzo under Star Cine­ma rin kaya ‘wag magulat na after Marian ay si Dingdong naman ang magiging visible sa bakuran ng Kapamilya Network.

Parehong kapipirma ng bagong kontrata ng magkarelasyon sa GMA 7 pero hindi sakop ng kanilang bagong kontrata ang pelikula. Hindi naman kasi aktibo ang GMA Films kaya walang conflict.

Anyway, showing na sa Oct. 2 ang Kung Fu Divas. Nagsanib-puwersa ang dalawang diva ng takilya mula sa magkaribal na TV networks sa bansa — ang Kapamilya Comedy Concert Queen na si AiAi delas Alas at Kapuso Primetime Queen. 

Bahagi ito ng 20th anniversary ng Star Cinema sa ilalim ng direksiyon ni Onat Diaz at produksiyon ng Star Cinema, Reality Entertainment, at O & Co. Picture Factory.

“Sa totoo lang, isa ito sa pinakamahirap na pelikulang ginawa ko — acting-wise and action-wise. Nag-training din kasi kami rito for martial arts kaya mahirap,” sabi ni AiAi.

Tulad ni AiAi, ipinagmamalaki rin ni Marian na mapabilang sa Kung Fu Divas. Sa katunayan, napapalakpak pa ang Kapuso actress sa milestone movie na ito.

“Happy ako na nagkakaroon ng ganitong pagkakaisa para sa isang pelikula at kabilang ako doon sa moment na ‘yun,” ani Marian. “Napaka-memo­rable po nito sa akin dahil ang daming bago sa akin dito. Bukod sa unang pagsasama po namin ito ni Ate AiAi, first time ko rin pong nakatrabaho si Direk Onat, first time kong magkaroon ng comedy-action na pelikula, at siyempre first movie ko po ito from Star Cinema.”

“Dahil sa movie na ito, mare-realize ng viewers na napaka-talented ng mga Pinoy at kaya nating gumawa ng pang-Hollywood na materyal,” sabi naman ni AiAi. “Marami na akong comedy films na nagawa pero ibang klase ang katatawanan dito, hindi mo mae-explain. Kailangan talaga siyang panoorin.”

Jericho at Heart ‘magsasama’ na sa Viva

Pipirma pala ng kontrata sa Viva Films si Jericho Rosales sa Monday. Pero walang detalyeng ibinigay ang nakausap ko.

Sa pagpirma ni Jericho ng movie contract sa Viva, magkaroon na kaya ng chance na magkasama na sila sa pelikula ni Heart Evangelista na meron ding movie contract with Viva?

Parehong masaya ang dalawa sa naging kapalaran nila pagkatapos na maging kontrobersiyal ang kanilang relasyon na nauwi rin sa hiwalayan.

Juday swak sa Bet on Your Baby


Mapapanood na sa ABS-CBN ang patok na international game show na Bet on Your Baby na si Judy Ann Santos-Agoncillo ang magho-host.

Susubukin sa Bet on Your Baby kung gaano kakilala ng mga kalahok na magulang ang kanilang mga supling na may edad dalawa hanggang tatlo’t kalahating taong gulang. Kaya’t simula nang mailunsad ang game show na ito ngayong taon lang sa Estados Unidos at Turkey, agad itong pumatok sa mga manonood. 


Maliban sa Pilipinas, kasado na rin sa bansang China ng kanilang edisyon ng nasabing game show.

Ito ang unang programa ni Juday matapos siyang pumirma ng panibagong programa sa Kapa­milya.

Third hosting job niya ito. Matagumpay niyang nairaos ang MasterChef Pinoy Edition at Junior MasterChef Pinoy Edition kung saan ginawaran pa siya ng Anak TV award. Ngayon, handa nang suma­bak uli si Judy Ann sa pagho-host ng kanyang kauna-unahang game show na siya ay nakaka-relate ng husto.


Malapit sa puso ni Juday ang hosting stint sa Bet on Your Baby lalo’t bilang isang hands-on mom, akma sa kanya ang mensahe ng programa na importanteng kilalanin nang husto ang sariling anak.


Tatlong pamilya naman ang lalahok sa bawat episode ng Bet on Your Baby. Bawat pamilya ay sasabak sa tatlong round, ang initial round, puzzle round, at ang jackpot round. Sa una at ikalawang round, isa sa mga magulang ng bata ay magbibigay ng hula kung ano ang magiging resulta ng gagawin ng anak nila sa loob ng Baby Dome na kasama ng kanyang partner ang kanilang anak. Ang lahat ng mga pamilyang makakakumpleto ng first round ay makakatanggap ng P10,000. 


Sa pangalawang round naman ay mag-uunahan ang mga pamilya na malutas ang isang challenge, at ang unang makakalutas ay tutuloy sa jackpot round, kung saan mabibigyan sila ng pagkakataon para masungkit ang P1 million.

 

Show comments