Show nina Sharon at Ogie tinitipid?
PIK: Naloka si Regine Velasquez nang naligaw sila papunta sa bahay ni Kuh Ledesma para interbyuhin para sa Sarap Diva.
Pero sulit naman ang lahat dahil bukod sa pizza na inihanda ng Pop Diva, na-enjoy ni Regine ang tour sa tahanan nito at ipinakita rin ni Kuh ang kanyang art gallery na naka-display ang mga painting na ginawa niya.
Kasama ni Regine na bumisita sa bahay ni Kuh ay ang The Vamp na si Vernie Varga.
Mapapanood ang paghaharap ng tatlong diva sa Sarap Diva ngayong umaga.
PAK: Sa hanay ng mga programang ini-launch nitong nakaraang weekend, ang programa ni Joey de Leon na Wow Mali Pa Rin ang kasama sa mga nag-rate.
Marami naman ang nanghinayang sa The Mega and the Songwriter nina Sharon Cuneta at Ogie Alcasid dahil parang tinipid daw. Umaasa ang mga manonood na mas magandang episode ang mapapanood sa programa nina Mega at Ogie sa Linggo.
BOOM: Tuloy pa rin pala ang kasong isinampa ni Atty. Ferdie Topacio laban sa ina ni Bea Binene na si Carina.
Nakausap namin si Atty. Topacio kahapon at sinabi niyang umakyat na raw sa korte ang kasong estafa kaya nagpiyansa raw si Carina sa korte dahil naisyuhan na ito ng warrant of arrest.
Hindi namin maalala ang gulo noon ni Bea kay Atty. Topacio pero ayon sa kontrobersiyal na abogado, nakuhanan daw siya ng P180,000 pesos na ginamit sa pag-record ng album ng young actress.
Hindi lang namin tiyak kung kasali sa kinasuhan si Bea pero hindi naman ito madadamay dahil minor pa ang young actress.
Sinubukan namin kontakin ang ina ni Bea pero hindi ito sumasagot sa tawag at text namin.
- Latest