Pagkatapos ng Cinemalaya at Sineng Pambansa QC Filmfest magbubukas na!

MANILA, Philippines -  Pagkatapos ng Cinemalaya Film Festival at Sineng Pambansa, ang 2013 Quezon City Film Festival naman ang tiyak na dadagsain ng mahihilig sa pelikula. Tatlong araw lang ito at mag-uumpisa sa October 3 at tatagal hanggang October 5. Sa mga sinehan sa Trinoma ipalalabas, sa pangunguna ng Quezon City Film Development Commission (QCFDC). Suportado sila ng Cinemalaya at Ayala Malls.

Magsisilbing highlight ng 2013 QC Film Festival ang tatlong nanalo sa ginanap na open competition for filmmakers sa mga taga-QC na itinuturing na entertainment capital ng bansa. Nagkaroon ng launching last year ang competition base sa mandate ng QCFDC of enriching and promoting the Filipino Film industry.

Ang tatlong nanalo ay ang Hello, World ni John Elbert Ferrer, Lukas Nino by John Torres and Gaydar by Alvin Yapan. Ang tatlo ay tumanggap ng subsidy  na P800,000 bilang premyo at magkakaroon ng kanya-kanyang premiere showing sa tatlong araw na festival.

Bukod sa tatlong nabanggit na pelikula, featured din sa 2013 QC Filmfest ang mga pelikulang pinuri sa Cinemalaya – Transit, David F, Nuwebe, Purok 7, Debosyon, Rekorder, Diplomat Hotel, Babagwa and Quick Change. Ang alam ko bida sa Gaydar sina Tom Rodriguez, Rafael Rosell, and Pauleen Luna. Eh buhay na buhay pa naman ang pink community kaya tiyak na tatabo ito sa takilya.

Magiging annual competition na ang QC Filmfest para mas marami pa silang matulungang mga up-and-coming filmmakers na gumawa ng mga de kalibreng pelikula na makakatulong para tuluyang mabuhay ang sinasabi nilang naghihingalong kalagayan ng pelikula ng industriya na ang namamayani ay ang indie films.

Ang Quezon City Film Development Commission ay pinangungunahan ni Mayor Herbert Bautista bilang chairman, Vice Mayor Joy Belmonte as co-chair and Professor Eduardo Lejano of the UP Film Institute as executive director.

Ang iba pang miyembro ng film commission ng QC ay sina Atty. Jesus Manuel Suntay, Councilor Eufemio Lagumbay, Dr. Mary Ruby Palma, Ms. Rosario Yara, Milo Sogueco, Soxie Topacio, Manay Ichu Maceda, Eduar-do Sazon, Dr. Isabel Sebullen, Rio Araja, at Mr. Orly Ilacad ng Octo Arts Films.

Ang QC Film Development Commission ay nabuo noong 2006 sa pamamagitan ng City Ordinance SP-1690 S-2006 sa ilalim ng pamumuno ni dating QC Mayor now Cong. Sonny Belmonte. Ang nabuong commission ang naging governing body ng lahat ng film-related projects and activities ng QC.

Sa QC din matatagpuan ang major broadcast and film corporations sa bansa at dito nakatira ang maraming sikat na artista.

Base sa mga synopsis na nabasa ko, magaganda ang kuwento ng tatlong pelikulang nakasali sa QC Filmfest kaya mas marami ang tiyak na manonood sa tatlong pelikula.

Sumpa ng artista, ‘Bumalik’ sa showbiz personality

Hindi tumalab sa isang showbiz personality ang sumpa ng dating kaibigan na artista. Imbes na malasin at mawalan ng career si showbiz personality, ang sumumpang artista ang kinarma.

Wala raw itong kumikitang pelikula ngayon (artista) habang ang isinumpa niya at umasang mawawalan ng puwang sa showbiz ay siyang umaariba.

Ipinagpasa-Diyos na lang daw kasi ng showbiz personality ang ginawa ng artista kaya walang epekto sa kanya ang sumpa.

 

 

 

 

Show comments