Kuya Kim, Kim, Anne, Paulo, Maja at iba pa, tatakbo para sa kalikasan

MANILA, Philippines - Makikiisa ang pinakamaningning na Kapamilya stars sa pinakamalaking advocacy run ng ABS-CBN ngayong taon, ang One Run, One Philippines na gaganapin sa limang lungsod sa Pilipinas at Estados Unidos upang manawagan at sumuporta sa pagpoprotekta at pagsulong ng iba’t ibang proyektong pang­kalikasan ngayong Oktubre 6.

Sabayang gaganapin ang advocacy run sa Quezon City, Cebu, Davao, Bacolod, at Los Angeles (USA) bilang bahagi ng pagdiriwang sa ika-60 anibersaryo ng ABS-CBN.

Kasama ang daang-libong kalahok, magbabalik sina Kim Atienza at Kim Chiu sa ikalimang Run for the Pasig River na isasagawa sa Quezon City Memorial Circle. Makakasama rin nila sina Anne Curtis at Karylle.Pangungunahan naman nina Paulo Avelino at Jayson Abalos ang kampanya para sa pagpapanatili ng yaman at kagandahan ng baybayin ng Daan Paz sa Cebu.

Isusulong nina Maja Salvador, Aaron Villaflor, at Bryan Termulo ang turis­mo ng Marilog Tourist Center sa Davao.

Sina Joem Bascon, Paul Jake Castillo, at Bangs Garcia naman ang kakatawan sa Bacolod City para ikampanya ang mga proyektong pangkabuhayan at mangrove sa Punta, Taytay, rehabilitas­yon ng Sum-ag River, at ecotourism projects sa Bacolod City Water District Campuestuhan Watershed.

Hindi lang natatapos sa Pilipinas ang malawakang pagkilos na ito para sa ikabubuti ng kalikasan dahil maging ang mga Pilipino ay tatakbo rin sa Los Angeles leg ng One Run, One Philippines. Pangungunahan ito ng hunk actor na si Jake Cuenca, kasama sina Michi Valeriano, Lee Robin Salazar, at Gelo.

Para magparehistro sa Quezon City leg o Run for the Pasig River,  magtungo lamang sa mga booth sa SM Mall of Asia, SM North EDSA, SM North EDSA-The Annex, SM Megamall, SM Manila, SM Fairview, Chris Sports Glorietta, Chris Sports Festival Mall, at Fitness & Athletics BGC. Para sa Cebu leg, magtungo lamang sa ABS-CBN Cebu; sa Davao leg, pumunta sa ABS-CBN Davao, Abreeza Mall o Holiday Gym and Spa; at  sa Bacolod leg, magpalista sa ABS-CBN Bacolod.

Show comments