Puto King ng Pangasinan nag-umpisa lang sa P70 na puhunan
MANILA, Philippines - Ilalahad ni Karen Davila ang kuwento ng pag-asenso ng tinaguriang Puto King ng Pangasinan na siyang may-ari ng pinakamalaÂking gawaan ng puto Calasiao sa probinsiya ngayong Miyerkules (Sept. 18) sa My Puhunan.
Namulat sa mahirap na pamumuhay si Mang Rufo ngunit hindi ito naging hadlang para sumabak siya sa pagnenegosyo. Sa tulong ng kanyang misis na si Leonor, gumawa at nagbenta sila ng mga puto mula sa puhunang P70 na inutang pa nila.
Lumago na ito para maging Bella’s Calasiao Puto and Pasalubong Center na gumagawa ng 40,000 hanggang 50,000 piraso ng iba’t ibang flavor ng puto tuwing umaga. Mula sa apat na kilo dati, bumebenta na sila ngayon ng 600 kilong puto na nagkakahalaga ng P48,000 kada-araw.
Milyonaryo na rin si Mang Rufo. Napagtapos na ang anim nilang anak at nakapagpundar na ng tahanan, manukan, maggahan, at palayan.
Nabago ni Mang Rufo ang kanilang pamumuhay at nais niyang ibahagi ang mga sikreto nito sa mag-asawang Melchor at Lani Estrada. Sa pagdating ni Mang Rufo sa kanilang buhay, mabibigyan ng puhunan at kaalaman ang mag-asawa sa paggawa ng puto at kutsinta. Mabilis kaya nila itong matututunan?
Samantala, pagbibigyan naman ni Doris Bigornia ang hiling ng dalawang mag-asawang may kapansanan na maikasal at humarap sa altar sa Mutya ng Masa ngayong Martes, Sept. 17. Sa episode, ipapakita ang mabusising pagpaplano at paghahanda ng Mutya ng Masa na gaganapin sa Fernwood Gardens. Pero hindi lang ’yon dahil pati make-over at gamit sa bahay ay iniregalo na rin ng programa.
Tutukan ang My Puhunan ngayong Miyerkules (Sept. 18) at ang Mutya ng Masa ngayong Martes ng 4:15 p.m. sa ABS-CBN.
- Latest