Babagwa ipapalabas na sa mga sinehan!

MANILA, Philippines - Sa mga naka-miss ng Babagwa (The Spider’s Lair) noong Cinemalaya week, mapapanood na sa regular cinemas simula Sept. 18, Miyerkules, ang naging blockbuster sa New Breed section.

Mula sa panulat at direksiyon ni Jason Paul Laxamana at produced ng Quantum Films ni Atty. Joji Alonso, ang Babagwa ay tungkol sa internet scamming — tungkol sa isang lalaking gumagamit ng fake na Facebook account para makakuha ng pera sa mga matrona o bading.

Ang lalaking nambibiktima ay buong husay na ginagampanan ni Alex Vincent Medina. Comeback movie ito ni Alma Concepcion na pansamantalang nahinto sa paggawa ng pelikula.  

Nanalo rito si Joey Paras bilang best supporting actor sa Cinemalaya para sa kanyang mahusay na pagganap bilang bading na “partner in crime” ng character ni Alex.

Introducing dito ang commercial model turned actor na si Kiko Matos, na unang napanood ng publiko noon sa TV Idol of the defunct MTB (Magandang Tanghali, Bayan). Na-realize ni Kiko na ang pag-arte ang kanyang pangarap kung kaya’t binalikan niya ang showbiz. 

Kasama rin sa cast sina Chanel Latorre (na may daring scenes with Alex), Nico Antonio, Marx Topacio, Garry Lim, at Sunshine Teodoro. 

Nakakuha ang Babagwa ng hindi lang isa, kundi tatlong imbitasyon mula sa iba’t ibang international film festivals — sa Vancouver Int’l Film Festival (nominee for Dragons and Tigers Award), Warsaw Int’l Film Festival (competition film), at Hawaii Int’l Film Festival (competition). Magaganap lamang ang tatlong festivals na ito sa loob ng tatlong linggo, ngayong September hanggang October.

Nakakuha rin ang pelikula ng magagandang film reviews locally dahil sa unique at exciting storyline nito, teknikal na aspeto, lalo na ang acting.

May R-16 rating sa SM Cinemas ang movie, samantalang R-18 rating naman ito sa iba pang mga sinehan.

Show comments