Basta hindi buwis-buhay: Edu gagawin ang lahat para sa What’s Up!

MANILA, Philippines - Kaabang-abang ang unang bugso ng walong bagong programang ipapalabas ng TV5 simula ngayong Sabado at Linggo.

Simula alas-sais ng gabi, ngayong Sabado, sisimulan ng Showbiz Police ang paghimay sa kinasasangkutan nina Claudine Barretto at Raymart Santiago. Kakapa­nayamin ni Lucy Torres-Gomez si Edu Manzano samantalang i-interview-hin naman ni Raymond Gutierrez ang kanyang mga kapatid na sina Ruffa at Richard sa unang pagkakataon. Tututukan naman ni Nanay Cristy Fermin kung totoo o gimik lang ba ang namumuong pag-iibigan diumano nina Derek Ramsay at ni Cristine Reyes.

Pagsapit ng alas-siyete ay magbabalik ang mga subok na sa pagpapatawang sina Ogie Alcasid, Gelli de Belen, at Wendell Ramos sa tahanan ng mga gag show. Dapat tutukan ang nakakaaliw na spoof ni Ogie sa Eat Bulaga wonder na si Ryzza Mae Dizon at ang pagbabalik ng sikat na sikat na Battle of the Brainless sa Tropa Mo Ko UNLI. Susundan ito ng buwis-buhay na karaoke challenges sa US game show na Killer Karaoke sa alas-otso.

Pagdating ng alas-nuwebe, susubukan ni Edu kung paano maging pahinante at ikukuwento niya ang kanyang buhay kasama ang kanyang mga sosy kasambahay sa What’s Up, Doods?

Sa Linggo, Sept. 15, ay dadalhin naman tayo sa New York ni Aga Muhlach sa Pinoy Explorer. Makakasama niya si Sharon Cuneta at Derek sa pagtikim at pagtuklas ng mga crazy adventure sa Amerika. Kakayanin ba ni Aga na tumalon mula sa eroplano?

Pagsapit ng alas-siyete, bibigyan ni Bossing Vic Sotto ang pharmaceutical employee na si Arthur Ross Guilas ng pagkakataong maging susunod na milyonaryo. Matulungan kaya si Arthur ng mga bagong lifeline sa new season ng Who Wants to be a Millionaire?

Susundan naman si Bossing ng panggu-gudtaym ng nag-iisang henyo, Joey de Leon, sa Wow Mali Pa Rin tuwing alas-otso. At pagsapit ng alas-nuwebe naman ay palaging may concert sa The Mega and the Songwriter kung saan susulat si Ogie Alcasid ng mga bagong awitin base sa buhay ng isang letter sender. Si Megastar naman ay kakanta ng mga love song, by request, sa unang pagkakataon sa Philippine primetime television.

Speaking of Edu, nag-pramis ang batikang TV host na babaguhin at bibigyan ng ibang buhay ang Pinoy TV landscape tuwing Sabado ng gabi sa pinakabagong comedy talk show na What’s Up, Doods? Co-producer siya ng programa.

Matagal-tagal ding na-miss ng fans at televiewers si Edu sa late-night talk show slot kaya naman sobra silang excited sa muling pagbabalik nito.

Matatandaang unang sumikat ang isa sa most-sought after hosts ng bansa sa pamamagitan ng Not So Late Night with Edu sa GMA 7 nung dekada 80 at Late Night with Edu sa ABC-5 nung early ‘90s.

Sa kanyang pagbabalik, maraming pakulong inihanda si Edu para sa viewers gaya ng iba’t ibang comic sketch, pakikipagbalitaktakan sa celebrity guests at paggawa ng challenges mula sa mga nanonood na netizen.

Biro niya, “Basta hindi buwis-buhay, kakayanin ko!”

Taped as live ang dalawang unang episode pero ang mga susunod, diin ni Edu, live na live na.

Ang isa sa mga unang guest ni Edu sa show ay ang legendary Pinoy rock icon na si Joey “Pepe” Smith.

Tagahanga pala ni Joey ang TV host-actor kaya masayang aabangan kung ano ang kanilang pag-uusapan at gagawin sa What’s Up, Doods?

Reporter nameke sa pagre-report?!

Nameke raw ang isang reporter ng isang network sa kanyang pagre-report.

Ang claim daw ng reporter, nasa Zamboanga siya at kumpleto raw ang props na parang nasa Zamboanga nga with matching helmet para i-cover ang nagaganap na kaguluhan doon. Pero nabuko raw sa Facebook kung nasaan lang siya dahil may nakapansin na viewer sa lugar.

Kahapon ay may ilang nagba-bash sa reporter na tinutukoy.

Kung totoong ginawa ito ng reporter, sigurado namang hindi magpapabaya ang kanyang network, parurusahan siya kung saka-sakali.

 

 

Show comments