Mutya ng Masa maagang mamumudmod ng Pamasko

MANILA, Philippines - Uunahan ni Doris Bigornia ang pamimigay ng pamasko sa pagsisimula ng ‘ber’ months sa pagtulong niya sa isang guro na may kapansanan at magtutulak ng tricycle ngayon sa Mutya ng Masa (Sept 10).

Kilalanin ang SPED teacher na si Carla Dela Cruz, isang single mom na may kapan­sanan. Sa kabila ng ka­hi­rapan sa buhay at pagkapanganak na maiiksi ang binti, hindi ito naging hadlang para makapagtapos siya ng pag-aaral at makapagbigay ng inspirasyon sa ibang tao.

Kuwento ni Carla, hin­di siya binigyan ng special treatment ng mga magulang at hindi man lang nabilhan ng wheelchair kaya gumagapang noon papuntang eskwela. Ngunit dahil sa angking pangarap, nakapagtapos na cum laude si Carla at naging exchange student pa sa Estados Unidos.

Sa katunayan, nominado si Carla sa Happiest Pinoy 2012 ng isang kumpanya, pero marami pa raw siyang gustong gawin para sa kanyang anak at mga estudyante. Paano kaya siya tutulungan ni Mutya ng Masa?

Bibigyan din ng pamasko ni Doris ang isang magtutulak ng tricycle na si Mang Reynaldo. Sa liit ng kita mula rito na sapat lang na pangkain ng kanyang pamilya, napabayaan na niya ang kanyang sarili kahit pa unti-unti nang nauubos ang kanyang ngipin. Itotodo ng programa ang pagpapangiti sa kanya sa pamamagitan ng pagpapakabit sa kanya ng pustiso at pagbibigay ng pangkabuhayan package.

Huwag palampasin ang Mutya ng Masa ngayon (Sept 10), 4:15 PM sa ABS-CBN.

Show comments