MANILA, Philippines - Hindi lang basta ordinaryong hip-hop competition kundi mga nakakabilib, nakamamangha, at de kalidad na pagsasayaw ang ipinamalas ng ilan sa mga pinakamagagaling na dance troupe mula sa Visayas sa katatapos lang na Dance Fest 2013 na inihandog ng GMA Network, Inc. katulong ang SM Supermalls.
Sa 42 grupong nakihalok sa paligsahan mula Iloilo, Bacolod, at Cebu, anim ang itinanghal na grand winners – tigatlo mula sa open at school categories.
Ang mga grupong Velocity X at ODE of W.I.T. ang nagwagi sa Dance Fest 2013 Iloilo leg para sa open at school categories matapos makipagtagisan ng galing sa second-placers na Ground Zero at K-Swag Generation, at third-placers na C.N.C. Iloilo at Kinaadman Dance Crew.
Samantala, Critical Breakdown at Hili-ugyon Dance Company naman ang namayagpag sa Bacolod leg ng kumpetisyon. Nanalo ang Critical Breakdown laban sa Rockafellas at YC Rocks para sa open category samantalang nanguna naman ang Hili-ugyon Dance Company laban sa Choi Force Jr. at Kadayaw Dance Troupe sa school category.
Sa Cebu naman, best performer para sa open category ang Type One na nakipagpaligsahan sa grupong Kingz Gambit at New Friends. Inuwi naman ng BC Dance Troupe ang tropeo matapos tanghaling grand champion sa school category. Nakalaban ng grupo ang UC D’Cypher Cru at Synergy Juniors.
Saksi ang Kapuso homegrown talent na si Mark Herras, ang tinaguriang badboy ng dancefloor, sa mga nakamamanghang performances ng mga kalahok. Isa siya sa mga nagsilbing judge sa grand finals ng kumpetisyon.
“Sobrang nahirapan akong mag-judge dahil lahat ng contestants from Iloilo, Bacolod, and Cebu ay talagang magagaling at buong-buo ang ibinigay nilang effort. At para bang habang tumatagal ‘yung performances nila, lalong gumaganda nang gumaganda,†bahagi niya.
Ngunit bago pa man mai-tally ni Mark ang score, sinisigurado niyang buo niyang mapapanood ang routine ng bawat grupo.
Nakibahagi rin sa Dance Fest 2013 ng Iloilo at Bacolod ang Kapuso homegrown stars na sina Ryza Cenon at Sef Cadayona, ang mga co-judges ni Mark, na kapwa kilala ring magagaling pagdating sa sayawan. Nagpaunlak naman ng kapanapanabik na dance number sa mga manonood si Julian Trono na kabilang ngayon sa cast ng Anna Karenina. Sa Cebu, sina Jang at Jeongwon ng boy band na Down to Mars ang naatasang humusga sa performances ng mga contestants, habang ang iba pang mga miyembro na sila Yheen, Kenji, at Daisuke ay naghandog naman ng song number para sa audience.
Ang matagumpay na Dance Fest 2013 ang ika-apat na dance competition mula sa GMA Network at Supermalls sa Visayas region.