Sheena aagawan ng posisyon ni Gwen

MANILA, Philippines - Magkakaayos na ang dating magkasintahan na sina Agnes (Sheena Halili) at Francis (Luis Alandy). Mapapatawad ni Agnes si Francis at mangangakong hindi na muling sisira sa kanilang usapan. Papayag naman si Agnes sa kagustuhan ni Francis na makabawi kay Binoy (Remo David) bilang ama. Kaya tuwang-tuwa si Binoy dahil sa kanya ay napagbati niya ang kanyang ama at ina. 

Mapapaaway naman si Lito (Ervic Vijandre) matapos kutyain ng iba ang kanyang ina. Kahit may tinatagong galit si Lito ay hindi niya magawang talikuran ang ina.

Hindi lang si Binoy ang excited sa nalalapit niyang kaarawan. Ngayon ay matutupad na ang matagal niyang wish na makasama ang kanyang ama at ina sa kanyang birthday pero hindi papayag si Emily (Gwen Zamora) na maetsapuwera. Magpapabida siya kay Binoy at uunahan niya si Agnes sa paghahanda ng birthday party para sa anak ng asawa   niyang si Francis!

Excited si Binoy sa nalalapit niyang birthday party. Iimbitahan ni Binoy ang ibang niyang mga kalaro para dumalo sa kanyang first birthday party. Maaalala naman ni Botchok (Zyrael Jestre) ang ginawang eksena ni Binoy sa party niya noon kaya may maiisip siyang kapilyuhan para makaganti kay Binoy.

Isang engradeng party ang na-organize ni Emily para kay Binoy. Maraming handa at masaya lahat ng bisita. Hindi maikakaila na talagang masaya ang matalinong bata sa araw na ito.

Masakit man para kay Agnes bilang ina na sina Francis at Emily ang maghahanda para sa kaarawan ni Binoy ay papayag na rin siya para sa kasiyahan ng kanyang anak. Subalit hindi naman hahayaan ni Emily na maging bida si Agnes sa anak nito. Kaya gagawa siya ng paraan para mapaalis at mapalitan na siya bilang ina ni Binoy! 

Abangan ang Binoy Henyo gabi-gabi bago mag-24 Oras sa GMA 7.

 

Show comments