Vilma aminadong hindi kayang ibigay ang pangangailangan ng ekstra

Kagabi ay ginanap sa Megamall sa Mandaluyong City ang red carpet premiere ng pelikulang Ekstra ni Vilma Santos. Dinaluhan ito ng mga kapamilya at malalapit na kaibigan ng aktres.

Ayon kay Vilma, marami siyang natutunan tungkol sa pagganap bilang isang ekstra sa pelikula nang gawin niya ang nasabing proyekto. Nasaksihan din niya mula noon pa na magkaiba talaga ang trato sa mga bida at ekstra pagdating sa trabaho.

“Kasi kaming mga artista spoiled kami eh. Alam mo ’yung ang taas, taas ng bayad namin? Pangalawa, pagdating mo sa set ang trato pa ng industry sa iyo, iba. May tent ka. Noong araw walang tent pa nga eh but they make sure na meron kang kuwarto mo. May aircon, tatanungin ka kung ano’ng gusto mong kainin, at ipapabili ’yung pagkain for you,” kuwento ni Vilma.

“Ang mga ekstra tinitingnan ko ’yung pagkain nila, puyatan ’yun ah, pagod, isang maliit na pandesal lang, kape, at itlog lang. Mahigit labingdalawang oras kang nagtatrabaho ’tapos ang scene mabigat kasi lahat gumagalaw.”

Ayon kay Vilma, dapat talagang igalang ang mga ekstra dahil mahalaga rin ang kanilang papel sa bawat proyektong kanilang ginagawa.

“Whether we like it or not, gano’n talaga ang buhay ng ekstra. I won’t say anything but in my own little ways meron din akong ginagawa for them but I rather not talk about it kasi hindi magandang pag-usapan pa. Hindi ko man kayang ibigay lahat ng importansiya for them at pangangailangan nila pero alam nila na sila’y nirerespeto ko ’pag nasa set ako bilang bida ng pelikula,” pahayag niya.

Ngayong araw ay palabas na sa mga sinehan ang Ekstra.

Jodi ibang-iba ang totoong ugali kesa kay Maya

Nakatakda nang isapelikula ang tele­seryeng Be Careful With My Heart na pinagbibidahan nina Jodi Sta. Maria at Richard Yap. Isa ito sa magiging official entries ng Star Cinema para sa December Metro Manila Film Festival. Malayo raw ang kaibahan ng pelikula sa nasabing pang-umagang soap opera.

“Siguro in general it’s the start of a new chapter in the lives of Maya (Jodi) and Ser Chief (Richard). And then after the movie siguro distant muna konti sa continuation. So, you shouldn’t miss the movie kasi if you miss the movie hindi mo alam kung ano’ng nangyari,” nakangiting pahayag ni Jodi.

“’Yung movie as far as I’m concerned, hindi siya recap ng parang from what happened ng day one hanggang sa where we left off pero continuation at continuation ulit sa television. From TV-movie-TV. So, kung ano ’yung aabangan at mapapanood nila, ’yun ’yung kailangan nilang abangan,” dagdag pa ng aktres.

Samantala, may pagkakataon na napagkakamalan ng mga taga­hanga ng nasabing palabas na parehas ang ugali nina Maya at Jodi sa totoong buhay.

“There was one time na nangyari sa akin, bumibili ako ng drink sa isang shop. ’Tapos may mga lumapit na medyo may edad na ’tapos nag-hi sila ’tapos nag-hi ako. Tanong sila nang tanong, ako naman siyempre isang tanong, isang sagot. ’Tapos sabi nila, ‘Ay, hindi ka pala madaldal ’no?’ So, parang feeling ko, kapag nakikita nila ako, ine-expect nila ang makukuha nila sa akin kung sino ’yung nakikita nila sa television. Kapag nakikita nila, kailangan laging masaya, nakangiti, at madaldal,” kuwento ni Jodi. Reports from JAMES C. CANTOS

 

Show comments