Mark hahataw sa Visayas’ Dance Fest 2013 Grand Finals

MANILA, Philippines - Nalalapit na ang kapana-panabik na pagtatapos ng pinakamalaking dance competition sa Visayas region - ang Dance Fest 2013 na magdaraos ng grand finals nito sa Iloilo, Bacolod, at Cebu.

Hatid ng GMA Network at ng SM Supermalls, magsisimula ang grand finals series ng kompetis­yon sa Dance Fest 2013 Iloilo leg na magaganap ngayon, August 9, simula 4:00 p.m. sa SM City Iloilo Event Center. Kasama rito ang Kapuso artists na sina Mark Herras, Ryza Cenon, Sef Cadayona, at Julian Trono.

Para sa school category ng Iloilo competition, kabilang sa mga maglalaban-laban sa grand finals ang Kinaadman Dance Crew ng John B. Lacson Foundation Maritime University, ODE of Wit ng Western Institute of Technology, at K-Swag Generation ng Mandurriao National High School. Sa open category naman, magkakaroon ng showdown sa pagitan ng C.N.C, ng Lapaz Iloilo City, Ground Zero, ng Iloilo City Proper, at Velocity X ng Kalibo, Aklan.

Susundan naman ito ng Dance Fest 2013 Grand Finals ng Bacolod sa August 16, na gaganapin sa North Transport Hub ng SM City Bacolod simula 4:00  p.m. Muling makiki-indak sina Mark, Ryza, Sef, at Julian para masaksihan ang tagisan ng galing ng Hili-ugyon Dance Company ng Hervias National High School, Choi Force, Jr. ng Domingo Lacson National High School, at Kadayaw Dance Troupe ng Riverside College para sa school category; at  ng Critical Breakdown, YC Rockz, at Rockafellas para naman sa open category.

Samantala, ngayong Sabado pa lamang, August 10, malalaman kung sinu-sino ang grand finalists para sa Dance Fest 2013 Cebu leg sa nakatakdang third elimination round sa Event Center ng SM City Consolacion pagsapit ng 2:00 p.m.

Ang mapapalad na makalulusot sa eliminations ay makikipagpagalingan sa paghataw sa Cebu Dance Fest 2013 grand finals sa August 23, simula 4pm sa nasabing venue. Makakasama naman dito ni Mark, na tinaguriang badboy ng dancefloor, ang K-Pop group sensation na Down to Mars.

 

Show comments