Matagal nang usap-usapan sa apat na sulok ng showbiz na magkahiwalay na ang mag-asawang Claudine Barretto at Raymart Santiago. Hindi man umuuwi ang aktor sa kanilang bahay ni Claudine ay nakapag-uusap naman ang dalawa tungkol sa kanilang mga anak. Kinumpirma naman ng kapatid ni Raymart na si Randy Santiago na mayroon talagang pinagdadaanan ang mag-asawa.
“Ang mahalaga siyempre huwag na silang mag-away kung anuman. Merong importanteng pag-usapan, alam naman natin may tamang lugar kung saan nila pag-uusapan ’yun. On our part naman ng pamilya, siyempre ’di kami nakikialam,†seryosong pahayag ni Randy.
Ayon pa sa aktor ay mabuti naman ang kalagayan ni Raymart ngayon.
“He’s very okay. Except for the kids, siyempre nami-miss niya ’yun. Pero he’s coping and siyempre ’di maiwasan ’di ba ilang taon din niya kasama si Claudine?†kuwento ni Randy.
Nagbigay din ang singer-actor ng reaksiyon tungkol sa larawan na nai-post ni Claudine sa Instagram kamakailan kung saan makikitang may pasa ang aktres sa mukha. Naniniwala si Randy na hindi si Raymart ang may kagagawan nun.
“Hindi naman natin malalaman ’yun siyempre. ’Wag ako ang tanungin, mas magandang tanungin ’yung nagha-handle na do’n sa sitwasyon. From my end, ’pag sinaktan niya si Claudine, kami ang kalaban niya. Ibang usapan na, ’di lang ang pamilya nila kundi pamilya namin. Ang laki-laki pa ng katawan niya. I don’t think he will do that,†giit ni Randy.
Kim nagka-dyowa na hanggang eskuwelahan lang
Mamayang gabi na gaganapin sa SM Megamall Cinema 7 sa Mandaluyong City ang red carpet premiere ng pelikulang Bakit ’Di Ka Crush ng Crush Mo? nina Kim Chiu at Xian Lim. Palabas na sa mga sinehan simula bukas ang nasabing proyekto.
Ayon kay Kim, napakalaking impluwensiya ng kanilang direktor na si Joyce Bernal para sa role niyang si Sandy.
“Sinubukan ko and ayun na-enjoy ko naman. Lahat ng babaeng walang confidence, akala nila pangit sila, but there’s something beautiful sa each and every one of us. Si Sandy kasi matalino, mapagbigay, maalaga, at mapagmahal. Siyempre ang daming babae ngayon na nagmamahal at ’di sila nakakatanggap ng something in return. Sa pelikulang ito malalaman nila ’yung tamang proseso ng pagmamahal,†nakangiting pahayag ni Kim.
“Ano man ang hitsura mo, may lalaki o babae na karapat-dapat sa ’yo. ’Wag ka lang mawalan ng pag-asa. There’s always a rainbow after the rain,†dagdag pa ng dalaga.
Samantala, naranasan na ni Kim na magkaroon ng puppy love noon.
“Noong high school. Bakit gano’n nangyari? Magdyowa kami ’pag nasa school. School lang, recess, lunch, ’yun lang. ’Yun pala ’yung mali do’n, pagkatapos ng school year wala na pala,†natatawang kuwento ni Kim. Reports from JAMES C. CANTOS