MANILA, Philippines - Ang Talentadong Pinoy Middle East ng TV5, ang pinakamalaking reality talent show sa telebisyon na ipinapakita ang talento ng Pinoy, ay nagkaroon kamakailan ng mga audition sa mga siyudad sa Middle East, kasama ang Abu Dhabi, Doha, Riyadh, Jeddah, at Dubai, pagpapatunay na world-class talaga ang Pilipinong show na ito. Iba-ibang klase ng daan-daang tao ang nag-audition, kasama ang mga magikero, gymnast, stand-up comic, ventriloquist, painter, dancer, at singer, na lahat gusto pahangain ang hurado o talent Scout ng show na sina Gelli De Belen, Marvin Agustin, at Arnel Ignacio.
Ito ang unang pagkakataon sa TV5 na magkaroon ng isang malaking produksiyon para sa isa sa mga mabentang programa nito sa labas ng Pilipinas. Pagkatapos ng apat na qualifying round, anim na grand finalist ang napili, kasama ang surprise tie at wildcard, at lahat determinadong iuwi ang $10,000 na cash prize.
Lumipad din si Ryan Agoncillo sa Dubai para i-host ang finals.
Ang tatanghalin na grand winner ay magkakaroon ng chance na sumali sa Battle of the Champions sa Manila sa Agosto. Ang apat na semi-final round ay eksklusibong ilalabas sa KapatidTV5 worldwide, simula Hunyo 29.
Abangan ang grand finals na ilalabas sa Pilipinas sa July 28.
Ang Kapatid TV5 ay isang 24-hour entertainment channel ng TV5 International, na napapanood ng mga Pilipino sa Estados Unidos, Canada, Middle East, Europe, North Africa, at Asya.
Samantala, lumalago rin ang coverage ng TV5 International gamit ang mobile content, kasama ang Zain at Du telecom sa Middle East, pati na rin gamit ang IPTV, kasama ang Fetch TV sa Australia.