Ryan babalik sa Unang Hirit?!

Nabalita ring nagpaalam na sa TV5 si Ryan Agon­cillo dahil isa ang Talentadong Pinoy sa sinasabing shows ng network na aalisin na. Tinanong namin ang manager ng TV host-actor tungkol dito pero “Not true... may Talentado finals pa,” ang sagot.

Ang hindi namin naitanong ay kung after ng finals ng Talentadong Pinoy sa Aug. 18 ay magbababu na sa TV5 si Ryan at lumipat sa ibang network. Nang masulat nga naming na baka bumalik sa GMA 7 si Ryan, natuwa ang mga taga-Unang Hirit at niyaya na siyang sumama sa kanila.

Ayaw pang magsalita ni Ryan sa paglipat niya ng ibang network dahil sa finals ng Talentadong Pinoy at shooting ng movie niyang Ano Ang Kulay ng Nalimutang Pangarap sa direction ni Joey Reyes. 

Star-studded pala ang finals ng Talentadong Pinoy dahil guests sina Sharon Cuneta, Aga Muh­lach, Derek Ramsay, at Joey de Leon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.

Gumawa ng title para sa sarili Young actress dineklarang Third Primetime Princess ang sarili

’Kaaliw naman ang young actress (YA) na ito dahil binigyan ng title ang sarili. Siya raw ang Third Primetime Princess ng kanyang network. Hindi nagbibiro si YA nang sabihin ’yun at suwabe pa nga ang pagkaka-deliver ng line na ’yun ang title niya. 

Siguradong pati ang mga kasama ni YA sa network ay maa-amuse at hindi maiinis o mayayabangan sa kanya. In fairness kasi sa kanya, tila may katotohanan ang claim ni YA dahil lahat ng soap niya ay nagre-rate at maganda ang feedback kaso nakalimutan niyang hindi lang siya ang pinapanood sa mga soap niya. Kasama roon ang ganda ng material at magagaling na cast na kanyang nakakasama.

Sayang lang dahil hindi nausisa ng reporter kung sino sa palagay ni YA ang First and Second Primetime Princess ng kanyang network. Baka doon may magreklamo ng ibang talent ng istasyon.

Ogie ila-line produce ng bossing ng Eat Bulaga

Nabalitang nagpaalam na si Ogie Alcasid sa GMA Network, Inc. last July 19 at ang ibig sabihin ng balitang ito, tuloy na ang kanyang paglipat sa TV5. 

Kasabay ng tsikang pagpapaalam ni Ogie ang balitang isa sa mga show na gagawin niya sa TV5 ay ila-line produce ng Archangel Media ni Mr. Tony Tuvie­ra. Tila may katotohanan na ito dahil hindi kinontra ng isang taga-Archangel Media nang aming usisain. Hindi kami sure kung alam na ito ni Ogie kaya baka magulat na naman!

Nagsimula nang mag-rehearse ni Ogie para sa kanyang Aug. 16 concert sa Arena Pasay City at na­ku­wento na ini-offer ni Willie Revillame ang kanyang Wil’s Events Place for him to rehearse. Na-impress si Ogie sa lugar dahil maganda ang acoustic kaya baka dito na siya tuluy-tuloy mag-practice.

Jasmine hindi nakakapag-ipon, busy sa paghuhulog ng condo at kotse

Present si Jasmine Curtis Smith sa Franchise Asia 2013 Expo na ginawa sa SMX MOA bilang face ng Flawless na isa sa mga nag-participate. Interesado si Jasmine na magka-franchise nang ini-endorse pero tatapusin niya muna ang hulog sa condo at car niya saka siya mag-iipon.

“Kung mangyayari ’yun, hindi ko hihingiin, pagtatrabahuhan ko,” sabi nito.

Nami-miss ni Jasmine ang Australia pero nag-i-enjoy din siya rito dahil nakakapag-showbiz siya at nag-aaral. First year communication arts student siya sa Ateneo at proud Atenean siya. Alam ng classmates niyang artista siya at kapatid ni Anne Curtis at wala siyang naririnig na nababaduyan sa kanya. Warm welcome pa nga ang ibinigay sa kanya ng mga kaklase.

Ipinagmamalaki pala ni Jasmine ang first movie niyang Transit na entry sa New Breed category ng Cinemalaya Independent Film Festival. Sa Israel ang shooting ng movie sa direction ni Hannah Espia at produced ni Paul Soriano.

Nakausap din namin si Rubby Sy, CEO and owner ng Flawless sa Franchise Asia 2013 Expo, at ibinalitang may 11 franchise outlets na sila at open for more franchises pa. Abot ng P1.2M ang franchise fee pa lang. Sila ang magti-training ng staff at hahanap ng location para masigurong hindi malulugi ang makiki-franchise at very proud si Ms. Sy dahil lahat ng branches nila ay kumikita.

 

Show comments