Maraming tagahanga ni Coco Martin ang nakakahinga ng maluwag at siguradong matutuwang malaman na wala pa itong asawa, na binatang-binata pa ito. Nabalita kasi kamakailan na nagpakasal na si Coco sa isang babaeng taga-Canada. Hindi naman ibig sabihin ay ayaw nila itong papag-asawahin pero sa idolo na nila mismo nagmula na habang siya ang tumatayong breadwinner ng kanyang pamilya at hangga’t hindi pa natutupad ang lahat ng pangarap niya para sa kanila ay hindi siya mag-aasawa.
“Bata pa naman ako kaya wala akong dapat ipagmadali. ’Yun nga lamang hindi ko ipagmamakaingay kapag nagpakasal ako. Gusto ko na sa amin na lamang ito ng magiging asawa ko at sa pamilya namin,†anang aktor.
Hindi rin niya itinanggi ang special friendship nila ng minsang nakaparehang si Angeline Quinto.
“Respeto ko na lang sa kanya kung bakit niya sinabi ’yun. Pero hindi ko siya pinaasa. Totoo rin na sinabi kong hindi mahirap na mahulog ang loob ko sa kanya,†impormasyon niya sa ilang umambus sa kanyang media matapos niyang tanggapin ang tropeo niya sa isang katatapos na awards night.
Bagong Kilabot ng mga Kolehiyala
Napakasuwerte ng alaga ni Jobert Sucaldito na si Michael Pangilinan. Ito ang nagmana ng titulong Kilabot ng mga Kolehiyala na unang hinawakan ni Hadji Alejandro at pagkatapos ay ni Ariel Rivera. Hindi pa naman natatagalan nang magsimulang magpakilala bilang isang singer ang 17 taong gulang na binata pero madaIi siyang nakilala agad dahil maganda naman talaga ang boses at guwapo pa. Pati nga si German Moreno ay nakita ang potensiyal niya kung kaya ginawa siya nitong regular na bahagi ng kanyang programang Walang Tulugan With Master Showman.
May inilabas na debut album niya ang Star Records na may pamagat na Michael Pangilinan, Bakit Ba Ikaw? Ang Bakit Ba Ikaw din ang carrier single ng album na komposisyon ni Vehnee Saturno. May revival sa album na komposisyon nina Joey de Leon at Vic Sotto, ang Kung Sakali, na pinasikat noon ni Pabs Dadivas. Maganda ang bersiyon niya ng kantang Dance With My Father ni Luther Vandross at ng Umagang Kay Ganda na pinagduwetan nila ni Prima Diva Billy. Next month na ang launching ng album sa Zirkoh Morato, Quezon City.
Sam malaki na ang improvement
Kung tutuusin, hindi na kailangang bantayan si Sam Milby ng isang Tagalog tutor sa taping ng Huwag Ka Lang Mawawala. Bilang isang mayaman, pasado na ang kanyang American twang at maging ang kanyang acting. Ang laki nga ng iniunlad ng kanyang pag-arte kumpara sa mga nakaraan niyang project.
Sa husay niya ay talagang kaiinisan mo ang kanyang character. Hindi nagkamali si Judy Ann Santos na irekomenda siya para sa role na ginagampanan niya.