Amy Perez inisnab-isnab naman ng staff ng kanyang show kahit last taping na

Kahit pala nag-resign na si Amy Perez sa Face to Face bilang host, sumipot pa rin ito sa last taping day ng show. On cam, maayos ang takbo ng taping at bago mag-end ang show, binigyan pa si Amy ng kanyang staff ng boquet of flowers bilang pasasalamat.

Pero off-cam, iba ang eksena, hindi raw kinausap si Amy ng kanyang staff na isa sa mga rason kung bakit siya nag-resign sa show at hindi na hinintay na tsugihin ng istasyon. Hanggang natapos ang taping, dinedma raw si Amy ng kanyang staff na matagal niyang nakatrabaho.

Wala pang balita kung may bagong show na gaga­win si Amy sa TV5. Sa nga­yon, sa morning show muna siya napapanood. 

Bagong boyfriend ni Maxene nilalait

Nakakatikim nang pamba-bash si Maxene Ma­galona dahil sa bagong boyfriend. Kung anu-anong masasakit na salita at foul words ang itinatawag sa kanya dahil kay Chino Copuyoc, ang boyfriend nito at gustong palabasin ng bashers ng aktres na mali ang magka-BF agad-agad after sa break-up nila ni Renz Fernandez.

Mabuti na lang at hindi nagpapadala sa ba­hers/haters si Maxene at tuloy ang pagpo-post ng pictures nila ng BF sa kanyang Instagram account. Based sa pictures sa IG at comments, taga-Pampanga ang BF ni Maxene, Ate­nean din at barkada ni Saab Magalona, sister ni Maxene.

Based pa rin sa IG, na-meet na ni Maxene ang family ng BF dahil dinala siya sa pista sa bayan nila sa Pampanga.

Anyway, keri ni Ma­xene ang maging kontrabida sa Mga Basang Sisiw.

Alessandra sinunggaban ang indie film kahit hindi siya ang bida

Reunion nina direk Gil Portes at Alessandra de Rossi ang Cinemalaya entry na Liars at sabi ng aktres, ang muling makatrabaho si direk Gil sa movie under Teamwork Films ang isa sa mga rason kung bakit niya tinanggap ang pelikula. Si direk Gil ang director niya sa Homecoming at Mga Munting Tinig.

Kaya wala siyang pakialam sa kantyaw ng press na support lang siya dahil ang totoong mga bida ay ang dalawang bata na na-involved sa sports scandal ng 2002 Little League  World Series. Ang pambawi ni Alex sa press na nang-ookray sa kanya’y, picture niya ang nasa poster at malaki pa.

Biniro rin si Alex na hindi siya mananalong best actress dahil makakalaban niya si Vilma Santos at walang tatalo sa portalet scene nito sa Ekstra. Kuwento ni Alex, sa shooting nila ni direk Gil, nag-try silang talunin ang portalet scene ni Vilma, pero hindi pa rin nila nagawa.

Samantala, kare-renew lang ni Alex ng kontrata sa GMA Network, another two-year exclusive contract ang kanyang pinirmahan, pero wala pa siyang soap. Habang naghihintay, naggi-guest muna siya sa shows ng network at siya ang pumalit kay Jolina Magdangal bilang host ng Personalan habang bed rest si Jolina dahil buntis.

Hindi akalain ni Alex na magho-host siya sa Personalan, nag-i-enjoy siya at maraming natututunan, pero nakakainit raw ng ulo minsan sa mga inilalapit na problema. Given the chance, gusto niyang mag-host ng mala-Ellen ni Ellen DeGeneres dahil masaya ang show at masayang host si DeGeneres!

Tv personality bakla ang napangasawa

Sobrang nakaka-relate ang female TV persona­lity (FTVP) na ito sa role ni Carla Abellana sa My Husband’s Lover at lagi itong may comment at parang totoong tao si Lally (Carla) para sa kanya. Nag-i-emote rin ito sa bawat episode ng serye.

Intriguing ang mga tweet reaction nito at may sinabi pang naranasan niya ang mga pinagdadaanan ni Lally sa piling ni Vincent (Tom Rodriguez). Sa isang tweet nito, excited na sa confrontation nina Vincent at Eric (Dennis Trillo).

Ang dating tuloy ng mga nakakabasa ng tweets ni FTVP, nangyari sa kanya ang nangyari kay Lally at ito’y ang makapag-asawa ng beki. Pero hiwalay na ang dalawa at sabi nasa Amerika na ang ex-husband ni FTVP. Ang gustong malaman ng nakakabasa sa tweet ay kung ang pagiging beki ang rason nang kanilang hiwalayan.

Show comments