Maja nagbenta ng mga damit, bag, sapatos sa ika-sampung anibersaryo sa showbiz

Kahapon ay isang bazaar for a cause ang ginawa ng aktres na si Maja Salvador sa isang lugar sa Quezon City bilang bahagi ng kanyang pagdiriwang ng sampung taong anibersaryo sa showbusiness. Nagsimula raw noong Sabado ang tinawag nitong All Must Gaux: Margaux collection kung saan ibinenta ang lahat ng ginamit ni Maja bilang si Margaux sa teleseryeng Ina, Kapatid, Anak katulad ng mga sapatos, mga bag, at mga damit.

“Part of my tenth year anniversary celebration ’yung event. Lahat ng outfit ni Margaux kasama sa bazaar namin, lahat na-auction namin. It’s for a cause naman. It’s time to give back bilang mahirap magtagal sa industry ng ten years.

“Isa sa mga favorite ko do’n ’yung yellow gown ni Margaux sa debut episode, pati pink gown na suot ko no’ng party ni Ethan (Enchong Dee) at iba pang cocktail dress,” kuwento ni Maja.

Bukod sa bagong pelikula ay isang teleserye na rin ang pinaghahandaan ng dalaga ngayon.

“Katatapos ko lang mag-shoot ng Tatay with Senator Jinggoy Estrada. ’Tapos meron ako ulit soap. Makakasama ko rito for the first time sina Angel (Locsin) at Jericho (Rosales). I am very excited kasi panibagong step at panibagong challenge ’yun sa career ko. The story is all about love, parang hanggang kailan mo kakayanin ang lahat para sa pag-ibig. Masasabi ko na being part of this teleserye is a big step and big challenge for my career,” nakangiting pahayag ni Maja.

Masayang-masaya ang aktres na makakatrabaho na niya ngayon ang mga kapwa artista na pinanonood lang niya noon katulad nina Angel at Jericho.

Charice inaalay ang bagong album sa ina

Abala na ngayon si Charice sa paggawa ng kanyang bagong album mula sa Star Records. Chapter 10 ang napiling album title dahil makahulugan ito para sa singer.

“It’s my birthday, birthday ni mommy, our anniversary (Alyssa Quijano, kasintahan ni Charice). Maraming pangyayari sa ten na ’yan,” bungad ni Charice.

“Chapter 10 kasi parang ’yung idea ng album na ’to, gusto ko na sana siya parang maging libro ng buhay ko. Kumbaga ’yung mga song na maririnig nila sa album, ’yun ’yung songs na talagang close sa akin. Close sa puso ko.”

Samantala, aminado rin ang singer na hanggang ngayon ay hindi pa rin sila nagkakaayos ng inang si Raquel Pempengco mula nang umalis siya sa poder nito kamakailan.

“Hindi pa kami nagkakausap pero siyempre still the same, hoping na kapag nakita niya ’to, ’yung mga trabahong ginagawa ko, eh sana maging proud siya. I’m just praying always na maging maayos lahat. And I know for sure na magiging maayos ang lahat,” giit pa ng singer.

Reports from JAMES C. CANTOS

Show comments