Robin nakawala na sa pagiging bad boy!

Ilang linggo nang wala si Robin Padilla sa kanyang sitcom na Toda Max dahil sa ilang personal na bagay na kanyang pinagkakaabalahan. Hindi man natin napapanood ngayon ang aktor sa telebisyon at mga pelikula ay kabi-kabila naman ang kanyang product endorsements. Mula sa pagiging Bad Boy sa pelikula ay maituturing na ngayong isa si Binoe sa pinaka-pinagkakatiwalaang celebrity endorsers.

Masaya ang aktor sa pagkakapili sa kanya bilang brand ambassador ng iba’t ibang mga sikat na produkto.

“Malaking karangalan ang mapili bilang endorser ng iba’t ibang produkto. Makakaasa ang mga advertiser ko at ang mga tao na mas lalo ko pang pangangalagaan ang tiwalang ibinibigay nila. Hindi ko sila bibiguin,” nakangiting pahayag ni Robin.

Ilan sa mga produktong iniendorso ng aktor sa kasalukuyan ay ang mga sumusunod: Liveraide, Cord Marine Epoxy, Kawasaki, 555 Tuna, Nescafé, at Revicon Forte. Sinasabing malakas ang appeal sa masa ni Robin kaya naman agad na pinaniniwalaan ng publiko kung anuman ang sabihin ng action star.

Malaki raw ang naitulong sa mga nasabing produkto dahil naiangat ng aktor ang kanilang sales at lalong nakilala ang bawat brand.

Charice gusto makipag-usap ng pribado kay Aiza

Kamakailan ay nagka-duet na sa isang entablado sina Charice at Aiza Seguerra. Ayon kay Charice, matagal na niya itong pinangarap dahil talagang idolo niya si Aiza. Nais daw ni Charice na magkaroon din sila minsan ng bonding para lubusang makilala ang kanyang idolo.

“I think it would be cool to have a private conversation, bonding with her, since isa rin siya sa mga inspirasyon ko. It would be nice to hear things and advice everything from her,” pagtatapat ni Charice.

Gusto rin ng singer na magkasama sila sa isang malaking concert ni Aiza kung mabibigyan sila nang pagkakataon.

“That would be an epic concert kung mangyayari ’yun. So, why not? Siyempre maganda ’yun,” dag­dag ni Charice. 

Maraming mga tagahanga na rin ang nagkukumpara ngayon kina Aiza at Charice mula nang umaming lesbian ang huli. May mga nagsasabing uma-Aiza (sumusunod sa mga yapak ni Aiza) na rin daw ang international performer. Nagbigay naman ng reaksiyon si Aiza tungkol dito.

“I don’t think uma-Aiza siya. She is her own person. Siguro anohin (alisin) natin sa bokabularyo natin na, kung lesbiana, uma-Aiza. No. I think iba-iba tayo ng pagkatao. Lesbiana, bakla, lalaki, babae, I think we are our own person. I think she’d rather be tsuma-Charice at ako uma-Aiza,” giit ni Aiza. Reports from JAMES C. CANTOS

                                                                  

Show comments