JM magbibigay ng inspirasyon bilang Calungsod

MANILA, Philippines - Ang pelikulang San Pedro Calungsod, Batang Martir, mula sa script at direksiyon ni Francis O. Villacorta, ay nilikha upang taasan ang kamalayan ng publiko tungkol sa buhay  ng ikalawang Pilipinong santo na naging martir sa ngalan ng Kristiyanong pananampalataya.

Ang kuwentong ito ng nasabing batang catechist ay isang ma­halaga at makasaysayang pelikula na dapat mabatid ng samba­yanan, lalo na ng mga Katoliko. 

Si San Pedro Calungsod ay isang Pilipinong bayani na hindi lu­maban sa isang duguang rebolusyon kundi para sa isang ispirituwal na misyon.

Ang mga Pilipino sa kasakuluyang henerasyon – at sa mga susu­nod pa – ay dapat matuto sa kanyang kamatayan bilang isang martir na walang pag-iimbot na nagpalaganap ng salita ng Diyos.

Si Calungsod ay isa rin sa mga pangunahing “overseas migrant worker” ng bansa na nagsilbi sa San Diego Mission ng Spanish-Jesuit priest na si Father Diego Luis de San Vitores sa pagitan ng 1668 at 1672 sa Marianas Islands (kilala ngayon bilang Guam). 

Ang aktor na si JM de Guzman ay gaganap sa isang “role of a lifetime” sa papel na Pedro Calungsod, isang batang catechist at mission assistant.

Kabilang rin sa cast sina Christian Vaz­quez bilang Father Diego Luis de San Vito­res; TJ Trinidad bilang Captain Juan de Sta. Cruz; Ryan Eigenmann bilang Choco, Ro­bert Correa bilang Maga’lahi Hirao, at iba pa.

Ang San Pedro Calungsod, Batang Martir ay dadalhin sa malaking telon upang magbigay ng inspirasyon sa mga kabataang Pilipino, overseas worker, at ang mga Catholic Christian devotee sa Pilipinas at sa ibang bansa upang tularan ang maraming magandang virtues ng batang martir at pagdiwang ang Christian heritage ng Pinoy.

Show comments