MANILA, Philippines - Mas pinahitik at siksik sa mga isyu ang Failon Ngayon dahil simula ngayong Sabado (Hunyo 15) ay higit pa sa isang makabuluhang paksa ang hihimayin ng batikang mamahayag na si Ted Failon, linggo-linggo.
Bubusisiin naman ni Ted ngayong episode ang mga problema’t kakulangan sa mga airport sa bansa, partikular ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na nabansagang Worst Airport in the Asia ng isang website.
Isa sa mga dahilan sa pagkakabansag nito ay ang madalas na pagkakaroon ng delayed at cancelled flights, na malaking perwisyo sa mga pasahero habang dobleng gastos naman ito para sa airline companies. Humahataw naman ang mga flight attendant sa paghabol ng mga naunsyaming flights. Kaya naman magbabahagi ng kanyang panig ukol dito si ‘Maya dela Rosa’ ng Be Careful With My Heart.
Tatalakayin din ang kalagayan ng mga pantalan o seaports. Malaki na raw ang iniayos ng mga seaport sa bansa ngunit ‘di sang-ayon dito ang ilang grupo na nagsasabing hindi pa rin daw maayos ang serbisyo sa mga pantalan, lalo na sa mga probinsya.
Samantala, nababahala ang sambayanan dahil sa lumabas na anunsiyong muling magtataas ng singil sa tubig simula Hulyo. Humihirit ng dagdag singil na P5.83 kada cubic meter ang Manila Water, habang P8.58 kada cubic meter naman ang plaÂnong itaas ng Maynilad. Ano ang epekto nito sa taong-bayan?