AiAi nagmadre na?!

MANILA, Philippines - Parang gusto na lang mag-madre ni AiAi delas Alas matapos ang mapait niyang dinanas sa piling ng asawang si Jed Salang.

Kahapon ay nakasuot madre siya sa kanyang Instagram photo kasama ang kanyang best friend na pari na si Rev. Fr. Erik Santos. Ang caption niya : “with my besi priest Rev. Father Erik Santos (bagay ba akong madre). Sagot ng mga CG group nooooooo. Hehehe.”

Kaya naman nag-react ang mga followers niya na nagsabing mag-madre na lang siya para hindi na siya masaktan uli.

Hmmm, parang huli na yata para mag-madre si AiAi? Hahaha.

Pero puwede rin naman siguro siyang magsilbi sa Diyos sa ibang paraan para makalimutan na ang lalaki.

Umamin

“Hindi ako makakarating kung saan man ako ngayon kundi dahil kay Juday,” -Piolo

Ngayong Linggo, babalikan ng Jeepney TV ang mga pinagdaanan ng  sikat na aktres na si Judy Ann Santos. Sa special feature ng Let’s Go, Linggo! na Judy Ann Santos: Her Royal Journey on TV, idedetalye ang kanyang mga unang role sa showbiz hanggang sa kanyang inaabangang pag­balik sa teleserye sa paparating na Hu­wag Ka Lang Mawawala na na-guilty nang unang sampalin ng kontrabida niya sa serye na si KC Concepcion.

Si Judy Ann ay nagsimulang humarap sa kamera noong siya ay bata pa. Una siyang lumabas sa Kaming Mga Ulila noong 1986, at pagkatapos ng dalawang taon ay gumanap na siya sa isang lead role sa Ula, Ang Batang Gubat noong 1988. Patuloy niyang napabilib ang mga manonood sa iba’t iba pang mga leading role, lalo na sa kaniyang pagganap bilang Mara sa Mara Clara ng ABS-CBN noong 1992. Bukod dito ay gumanap din siya bilang Espe­ranza, Krystala, at Ysabella. Sa pagkakasunud-sunod ng mga pagganap niyang ito, siya ay nabinyagang  Reyna ng mga Pinoy Soap Opera.

Sa Judy Ann Santos: Her Royal Journey on TV, sundan ang naging paglalakbay ng batang babae na naging isa sa mga most-loved na artista sa industriya at kung paano niya narating ang kinalalagyan niya ngayon.

Punung-puno pa ito ng mga interbyu kasama ang mga taong nakasama niya sa trabaho, tulad nina Piolo Pascual, Gladys Reyes, at Wo­wie de Guzman; pati na rin ang kanyang manager na si Alfie Lorenzo at mga kilalang direktor tulad nina Laurenti Dyogi at Jose Javier Reyes.

“Hindi ako makakarating kung saan man ako ngayon bilang artista kundi dahil kay Juday,” ang sabi ni Piolo. “Siya talaga ang tunay na soap opera queen.” (May mag-react kaya sa sinabing itong ni Piolo)?

Sabi naman ni Wowie de Guzman tungkol sa kanya, “Ang bilis makarelate ng tao sa kanya. Ang pagmamahal niya sa trabaho ay walang katulad.”

“Bilang isang artista, siya ay professional. Siya ay ang pinaka-genuine na aktres,” sabi ni Gladys.

Mapapanood ang kanyang istory sa Let’s Go, Linggo! ng Jeepney TV na   ngayong Linggo (Hunyo 16), 9:00 p.m - 11:00 p.m. Ang Jeepney TV ay mapapanood sa SkyCable channel 9 at sa iba pang mga nangungunang cable system sa bansa.

Alay kay itay sa Gandang Ricky Reyes

Hindi biro ang maging ama dahil siya ang tinatawag na haligi ng tahanan.  Siya ang iniidolo ng mga anak na lalaki at huwaran ng mga anak na babae sa paghahanap nila ng makakatuwang sa buhay.

Dakila si Tatay, Itay, Papa, Daddy o Tatang.  Nagtitiis siya ng hirap para maitaguyod ang pamilya.  Kaya naman ang ikalawang Linggo ng Hunyo ay itinakda na Fathers Day.  Ito ang araw na minsan pa’y binibigyan ng parangal ang mga dakilang ginoo na pinagkakautangan natin ng buhay.

Sa Sabado alas-nuwebe hanggang alas-diyes ng umaga sa GMA News TV sa programang Gandang Ricky Reyes Todo Na Toh (GRR TNT) ay dalawang ama ang itatampok.

Una ay ang ama ng isang batang may sakit na cancer at pansamantalang nanunuluyan sa Childhaus na proyekto ng Ricky Reyes Foundation.  Buo ang pag-asa ng amang ito na gagaling ang kanyang anak.  Siya ang nagbabantay sa bata habang ang asawa’y nag-aalaga ng iba nilang anak.  Tuloy ang araw-araw na pagdarasal  at pananalig sa Diyos ni Daddy.

Ang ikalawang ama’y sumulat kay Mader Ricky na hiling niya’y mapaayos at mapaganda ang beauty parlor ng anak na bakla.  “Ipinadala ko ang ar­kitekto ng Gandang Ricky Reyes Salon at agad-agad ay ni-renovate ang salon at nagpadala ako ng mga bagong gadget at equipment.  Nakaka-touch nang makita ko ang katuwaan sa mukha ng ama.  Pruweba na sa halip na pansarili ang hangari’y ang anak pa rin ang inuuna,” sey ni Mader.

Ang GRR TNT ay prodyus ng ScriptoVision.       

Tatay hinangad ng anak na makulong sa bahay para makasama nang matagal

Isang espesyal na alay para sa mga haligi ng tahanan ang handog ng  Wansapanataym ngayong Sabado (Hunyo 15) sa Father’s Day episode nito na pinamagatang Doggy Daddy Doggy. Gagampanan ng Kapamilya child star na si JB Agustin ang karakter ni Ian Mark, isang batang mag-isang pinalaki ng ama. Dahil laging abala sa trabaho ang kanyang tatay ay inakala ni Ian Mark na hindi siya nito pinahahalagahan. Sa pagdating ng kanyang kaarawan, hihilingin ni Ian Mark na makulong sana sa kanilang bahay ang ama upang makasama niya ng matagal na panahon. Mapagtanto na kaya ni Ian Mark ang mga sakripisyo ng kanyang ama kapag magkatotoo ang hiling at mapunta sa katawan ng aso ang katauhan ng kanyang daddy? Tampok din sa Father’s Day episode sina Chokoleit, Jake Roxas, at Pinky Marquez.

Show comments