Ang saya-saya ng birthday party ni Ryzza Mae Dizon na tinangkang sugurin ng mga gatecrasher pero hindi sila nagtagumpay dahil mahigpit ang mga bantay.
Early bird ako sa birthday celebration ng aleng maliit dahil sinamahan ko ang mga Fil-Chinese friends ko na fans ni Ryzza.
Hindi naman natagalan ang ipinaghintay namin sa grand entrance ni Ryzza na tuwang-tuwa dahil marami ang nakisaya sa kanyang 8th birthday party.
Nakita ko ang ate ni Ryzza na maganda at matangkad kaya obvious na namana ng bagong child wonder ang height ng kanyang mother dear na hindi ko nakilala dahil sa make-up at party dress niya.
Mga bisita ni Ryzza ang mga apo nina Bossing Vic Sotto at Senator Tito Sotto. Na-sight ko rin sa party ang mga anak nina Paolo Ballesteros, Wally Bayola, Jose Manalo, at Anjo Yllana.
Hindi mahiyain ang mga bagets dahil nag-join sila sa parlor games at sumayaw, kasama ang kanilang mga magulang.
Touching ang pagdalo sa party ng mga kababaÂyan ni Ryzza. Nanggaling pa sila sa Pampanga dahil ang makasama sila ang isa sa mga birthday wish ng aleng maliit. Maligayang-maligaya ang madir ni Ryzza dahil nagkita-kita sila ng kanyang mga kamag-anak at kapit-bahay mula sa Pampanga. Ang huwag magbabago ang ugali ni Ryzza ang birthday message sa kanya ng mga kaibigan niya mula sa probinsiya.
Mga program host sina Ruby Rodriguez at Pauleen Luna na nakita ko na nakikipagkuwentuhan kay Danica. Ang ibig sabihin, kasundo ni Pauleen ang mga anak ng love of her life, si Bossing Vic! May iba pa ba?
Bumaha ang pagkain at freebies sa party ni Ryzza na enjoy na enjoy dahil ngayon lamang siya naka-experience ng bonggang party.
Ipinakita ang birthday celebration ni Ryzza sa Eat Bulaga noong 2012. Nakaka-touch ang eksena na biglang umiyak si Ryzza dahil natupad ang birthday wish niya na may spaghetti at fried chicken sa kanyang kaarawan.
Ngayong sikat na sikat na siya, can afford na si Ryzza na ihanda ang lahat ng klase ng pagkain tuwing birthday niya. Masuwerte si Ryzza dahil talent siya ni Mama Malou Fagar at ng TAPE Inc. Nakasisiguro na siya ng isang bright future.
Naki-cooperate kay Ryzza ang weather noong Miyerkules. Maganda ang panahon dahil walang malakas na ulan na bumuhos.
Hindi kagaya kahapon na grabe ang buhos ng ulan kaya bumaha sa maraming lugar sa Metro Manila na naging dahilan para magkabuhul-buhol ang trapik. Affected ng strong rains and floods ang mga bagets na bumalik na kahapon sa school.
Maraming-maraming salamat kay Mama Malou Fagar dahil in-accomodate niya ang aking Fil-Chinese friends na hindi kumpleto ang umaga kapag hindi nila napapanood ang The Ryzza Mae Show.
Bihirang humanga sa mga artista ang aking Fil-Chinese friends kaya gumawa agad ako ng paraan nang sabihin nila na fan sila ni Ryzza at magiging masaya sila kung makakadalo sa birthday celebration ng bagets.