Hindi na maabot si Charice at ang kanyang pamilya dahil sila ang laman ng mga entertainment section.
Hindi nagpatalbog ang nanay ni Charice na si Raquel Pempengco dahil nagpatawag siya kahapon ng presscon at dito niya sinabi ang kanyang mga sama ng loob laban kay Moy. Moy raw o!
Panoorin ninyo ngayong hapon ang Startalk ang labu-labo interviews namin kina Raquel, Charice, at sa madir ni Raquel na si Lola Tess Relucio na hindi nagpaawat sa pagbubuko ng mga sikreto ng kanilang pamilya.
Hindi pa matatapos ang word war ng mag-inang Raquel at Charice dahil siguradong pasasagutin ng media si Moy tungkol sa mga sinabi ng nanay niya.
Eh sigurado naman na mahahagilap si Charice ng mga reporter dahil she’s everywhere’ di ba?
Ang dialogue nga sa isang pelikula ni Vilma Santos, para siyang isang karinderya na bukas sa lahat ng gustong kumain.
Kaabang-abang ang interbyu ng Startalk sa lola ni Charice dahil may big revelation siya tungkol kay Raquel na puwedeng pagsimulan ng kanilang malaking away.
Pakikiramay sa mga Rufino
Nakikiramay ako sa mga naulila ng direktor na si Randy Rufino, ang asawa ni June Torrejon-Rufino.
Sumakabilang-buhay si Randy noong Huwebes at nakaburol ang kanyang mga labi sa Arlington Chapel sa loob ng Heritage Memorial Park sa Taguig City.
Bukas ang libing ni Randy sa Manila Memorial Park sa Parañaque City.
Mamahaling museleo ni Daboy tumutulo, LT nagpa-plano nang magdemanda
Sumaglit ako sa burol ni Randy Rufino kahapon bago ako nagpunta sa 5th death anniversary mass para kay Rudy Fernandez.
Si Fr. Arman Tangi ang nagmisa sa museleo ni Daboy.
Dumalo sa misa si Lorna Tolentino at ang kanyang mga anak na sina Rap at Renz.
Naroroon din sina Amy Austria, Malou Fagar, at ang mga kapatid at pamangkin ni Daboy.
May problema sa museleo ni Daboy dahil tumutulo ito kapag umuulan.
Inireklamo na ni Lorna ang problema sa administration ng Heritage Park pero parang dinedma siya.
Hindi ako magtataka kung umabot sa korte ang problema dahil hindi binibigyang pansin ng Heritage Park administration ang concern ni Lorna.