Lorna T. gagawin ang lahat para mapalapit uli sa mga anak
MANILA, Philippines - Ngayong Sabado, sundan ang kuwento ni Susan Maniega, isang ina na handang gawin ang lahat para mabawi at mapamahal muli sa kanya ang mga anak.
Nang ma-confine sa ospital ang asawa ni Susan Maniega, ang inisip niya ay isang setback lang ito na agad malalampasan ng kanyang pamilya. Pero nang lumipas ang buwan at taon, unti-unting na-realize ni Susan na nagbago na ang buhay niya.
Dahil sa kahirapan at kakulangan sa pera, napilitan si Susan na ipamigay ang kanyang mga anak—isang bagay na hindi matanggap ng kanyang mga supling. Noong una ay temporary lang dapat ang set-up na ito, pero nang tumagal na sina Charlie at ang kanyang mga kapatid sa poder ng kanilang tiyahin, napagtanto na ng magkakapatid na wala na silang inang aasahan.
Kaya naman nang bumalik si Susan sa buhay nila, wala nang puwang ang kanilang mga puso para dito.
Pero hindi magpapatinag si Susan. Bilang ina, hindi ito papayag na hayaang mawalan ng amor sa kanya ang mga anak.
Ngunit ano ba ang magagawa niya para maipakita at maipaliwanag sa mga ito na hindi niya ginustong ipamigay sila? Na nagawa niya lamang iyon para sa kapakanan rin nila?
Paano ba maging ina sa mga anak na hindi mo pinalaki?
Itinatampok si Lorna Tolentino bilang Susan Maniega kasama sina Isabel Oli, Polo Ravales at Michael de Mesa, at mula sa direksyon ni Ms. Laurice Guillen, alamin ang tunay na kuwento ni Susan ngayong Sabado sa Magpakailanman - Sa Hirap at Ginhawa: The Susan Maniega Story sa GMA7.
- Latest