Gerald proud na proud sa karanasan sa Cannes

Kababalik pa lamang ni Gerald Anderson sa bansa noong Linggo. Galing ang aktor sa France para dumalo ng Cannes International Film Festival kung saan kalahok ang pelikula niyang OTJ (On the Job). Isang magandang karanasan para kay Gerald ang nasabing event.

“Bilang Pinoy siyempre ang ganda para i-represent ’yung bansa. Hindi lang ’yung movie eh. Sobrang proud ako kasi the movie did very well at maganda ’yung feedback ng gawang Pinoy. So, you know, just to be part of that, ’yung experience na ’yun, the best,” nakangiting bungad ni Gerald.

Ito rin ang kauna-unahang pagkakataon na nakadalo ang binata ng isang red carpet premiere sa ibang bansa kaya hinding-hindi niya ito makakalimutan.

“’Yung movie kasi ng OTJ ’di siya ’yung sa competition eh. So wala kaming red carpet. It was for Directors’ Fortnight. But kami ni Rayver (Cruz), nandoon kami ng premiere ng ibang movies kaya na-experience namin ’yung red carpet. Ang ga­ling,” kuwento ni Gerald.

“Sobrang sarap ng feeling kasi you see all those people who are really passionate about film, ’yung sobrang mahal nila ’yung pagdating sa movies. Hindi lahat ng artista sa Pilipinas mai-experience ’yun so I’m very blessed. Ang suwerte ko.”  

Coco tuloy ang panliligaw sa lola ni Julia

Malapit pa rin si Julia Montes sa dating ka­tambal na si Coco Martin kahit hindi na sila mas­yadong nagkikita ngayon. Ayon sa dalaga ay mayroon pa rin silang komunikasyon ng aktor.

“Close pa rin naman kami pero dahil sobrang busy namin, ’yung bonding hindi na tulad dati. Before halos everyday kami magkasama dahil sa mga schedule. Okay kami. Super close pa rin naman,” pagtatapat ni Julia.

Matatandaang sinabi ni Coco sa isang paha­yag noon na posible o mayroon siyang intensiyong ligawan si Julia kapag nag-18 years old na ang da­laga. Ang aktor din ang naging escort ni Julia sa de­but ng dalaga kamakailan. Tuluyan na kayang nililigawan ngayon ni Coco ang aktres?

“Hindi naman ako ang nililigawan niya, si lola pa rin. So, until now, si lola pa rin. Kung okay na ba kay lola? Hindi ko pa natatanong si lola about do’n,” nakangiting sagot ni Julia. Maitutu­ring naman ng aktres na si Coco pa rin ang pinakamalapit na lalaki sa kanya sa kasalukuyan.

“Ang super close ko talaga at naka­ka-jive ko talaga since before pa ay si Coco dahil pareho kaming laki sa lola. At in a way kasi off cam medyo mature ako mag-isip. So, sigu­ro ’yung mga mature na bagay na itinuturo niya sa akin nag­dya-jive kami. Mas natuto ako sa kanya. Siya rin naman natuto siya sa teenage experiences ko,” giit pa ni Julia. Reports from JAMES C. CANTOS

 

Show comments