Zanjoe gustong mag-experiment sa pagpapa-sexy!

Sa Lunes ay magsisimula na ang teleseryeng Annaliza na pinagbibidahan ng batang si Andrea Brillantes. Kasama rin sa nasabing proyekto si Zanjoe Marudo na isang ama ang gagampanan dito.

Paano kaya napapayag ang aktor na tumanggap ng ganitong klaseng role gayung binata pa siya?

“Hindi ko naman talaga plinano na gumawa ng tatay role. Siyempre umaasa pa rin tayo na marami pa rin tayong magagawa na challenging roles pero nung na-pitch sa akin itong istorya, grabe! Nai-imagine ko na agad kahit na wala pa naman akong anak sa totoong buhay, parang nararamdaman ko na. 

“Dito sa Annaliza, nararamdaman ko na bilang tatay kahit man lang sa show. Saka fan ako ng mga pelikula at show na tungkol sa mga tatay o magpapamilya, doon ako nata-touch lagi. Emotionally, handa na talaga ako pero siyempre kailangan nasa tamang oras, tamang panahon saka mag-iipon pa ako. Marami pa akong kailangang gawin,” pahayag ng aktor.

Kahit gumagawa na ng mga tatay role ay bukas pa rin naman si Zanjoe na magpaseksi sa kanyang mga proyekto kung mabibigyan ng pagkakataon.

“Oo naman, sexy pa naman ako. Nagkakataon lang naman kasi na nagsisimula ako, ’yun ’yung mga nabibigay sa akin na project. ’Tapos kung bibigyan ako ng ibang characters kunwari remake ng Scorpio Nights, okay lang din. Ang sarap kasi maglaru-laro na kapag malayo sa character mo ang sarap umarte na hindi ikaw, na ibang tao ang ginagampanan mo. Parang mas masarap gawin,” pagtatapos ng aktor.

Juday tinatawanan lang ang mga ‘babae’ ni Ryan

Kamakailan ay naging bulung-bulungan ang diumano’y paghihiwalay ng mag-asawang Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo. Nagkaroon daw ng ibang babae si Ryan kaya nagpasya si Judy Ann na ipa-annul ang kanilang kasal. Nilinaw naman ng aktres ang nasabing isyu sa photo shoot ng bagong teleserye niyang Huwag Ka Lang Mawawala noong Miyerkules.

“Mayroon bang secret na annulment? ’Di ba wala? Sa napakadaming tsismoso dito sa Pilipinas, maisi-secret mo ba ang annulment?” nakangiting bungad ni Judy Ann. “Saka parang sa amin ni Ry (tawag ni Juday sa asawa) kung ano man natutunan namin for the past four years na mag-asawa kami, talagang may darating na pagsubok. Ang sa amin lang, dapat may natutunan ka para kung ano man nakaraan na pinagdaanan hindi na ma-discuss. Hindi na maulit kasi galing ka na diyan eh.”

May mga babaeng nauugnay kay Ryan na ayon naman kay Judy Ann ay mga kaibigan lang ito ng kanyang asawa.

“Nakakatawa na lang. Susmaryosep! Napakaguwapo mo, Ryan. Ang guwapu-guwapo mo. Ang tangkad-tangkad mo. Natatawa na lang talaga kami,” pabirong sabi ng aktres.

“At saka naaawa ako, nahihiya ako sa mga babaeng kaibigan ni Ryan. Hindi ba puwedeng makipagkaibigan ang lalaking may asawa sa isang babae? ’Di ba natin puwedeng huwag lagyan ng kulay kasi magkaibigan lang naman? Baka naman layuan ng mga babae si Ryan, mga kaibigang babae ha? Klaruhin natin ’yan.”

Naniniwala si Juday na hindi siya pagtataksilan ng asawa.

“’Yung trust and loyalty ni Ry, one hundred fifty percent ’yan. Napaka-honest na tao ni Ry. Hindi siya ’yung tipo na magtatago sa ’yo,” giit pa niya. Reports from JAMES C. CANTOS
                          

 

Show comments