Kung ang mga tagahanga ni Marian Rivera ang masusunod, gusto nilang makasama ang aktres bilang host ng Eat Bulaga. Katuwiran nila, qualified naman ito para sa nasabing trabaho at makakatulong pa ito ng malaki sa popularidad ng programa. Pero siyempre masyado nang maraming host ang nasabing noontime show. Kailangang may mawala para lamang ito makapasok sa programa. Pero sino?
Again kung ang nasabing fans din ang masusunod, gusto nilang si Pia Guanio na ito pero papayag ba ang management ng show eh maraming taon nang naglilingkod ang ex-girlfriend ni Vic Sotto sa show? Hindi rin puwede si Isabelle Daza dahil nakapag-build up na ito ng kanyang following sa programa.
Ang natitira na lamang na mga babae ay sina Julia Clarete at Ruby Rodriguez na maituturing ng poste ng show at mga pioneer na. Kung meron mang malakas na backer si Marian, ito ay ang nagma-manage sa kanyang Triple A na pinamumunuan ng mga Tuviera. Pero iri-risk ba ng kumpanya ang magiging galit ng tao kung saka-sakaling may mawala sa Eat Bulaga para lang maipasok ang bago nilang artist na si Marian nga?
Bagong show kapalit ng Party P lalagyan ng games
Ang tanging kaibahan ng bagong palabas ng GMA na makakapalit ng Party Pilipinas ay pagkakaroon nito ng mga game bukod pa sa mga musical numbers na mari-retain sa nawalang programa. Masaya siguro kung ang mga artista rin ang magkalaro o siguro para mas masaya ay kung pagsasamahin sila at ang mga regular viewer sa games.
Dalawang linggo lang namang walang mapapanood na bagong programa sa slot ng Party P pero pagkatapos nito ay eere na ang SAS o Sunday All Stars na maraming mga pamilyar na pangalan na mula sa PP ang mapapanood at ilang mga karagdagan pa na magiging bahagi ng bagong programa.
Abangan na lang n’yo pero ngayon pa lamang ay maaari na kayong makapagsimula ng pahulaan kung sinu-sino ang mari-retain mula sa lumang palabas at sino ang madaragdag?
Kris itinago na lang ang inggit sa kilig moment ng mga mag-asawang pulitiko
Tuwang-tuwa si Kris Aquino na sa kanya manggagaling sa huling halakhak na may kinalaman sa pulitiko na nasabing wala siyang kredibilidad na mag-endorso ng mga kandidato dahil marami sa tinulungan niyang mangampanya ay nagwagi sa katatapos na eleksiyon, gaya nina Senators Allan Cayetano, Sonny Angara, at Congressman Lino Cayetano.
Maliban kay Cong. Lino na absent sa Kris TV, ang dalawang magigiting na senador kasama ang kanilang mga asawa ay nag-guest sa kanya kahapon.
I’m sure marami ang kinilig sa closeness ng dalawang political couple na nagbigay inspirasyon sa maraming mag-asawa. Para silang mga artista na naghalikan sa programa and profess their love for each other.