Mga kandidato makakapahinga na!

Big night ng mga kandidato kagabi kaya rest day na nila hanggang sa Lunes. Hindi na sila puwedeng mangampanya or else, tsugi ang candidacy nila.

Hihintayin na lang nila ang resulta ng eleksiyon sa Lunes na mas nakakatensiyon dahil magkakaalaman na kung tagumpay ang kanilang panliligaw sa mga botante.

Win or lose, artista man o hindi, bakasyon grande ang iniisip ng mga kandidato dahil pagod na pagod sila mula nang magsi­mu­la ang kanilang pa­ngangampanya.

Ready na ako sa pag­boto sa Lunes. Nakalista na ang mga iboboto ko na senador, cong­ressman, mayor, vice-mayor, konsehal, at partylist.

Ayoko nang kung kailan ako nasa loob ng voting precinct, saka ko iisipin ang pangalan ng mga iboboto ko. Ang mga maid of honor ko, ready na rin sa pagboto dahil naimpluwensiyahan ko sila na ihanda ang listahan ng kanilang mga iboboto. Siyem­pre, hiningi rin nila ang advice ko sa pagpili ng kanilang mga iluluklok sa puwesto.

‘Apektado ng eleksiyon ang birthday ko’

Apektado ng eleksiyon ang birthday ko dahil sa may brilliant at valid excuse ang mga alaga ko na hinihingan ko ng birthday gifts. 

Pare-pareho ang kanilang mga dialogue, ipadadala na lamang nila ang mga pagkain na gusto ko pagkatapos ng eleksiyon dahil busy pa sila sa pangangampanya.

Nakakahiya naman kung kukulitin ko pa sina Christopher de Leon, Alfred Vargas at ang magkapatid na Robert at Michelle Ortega. Alam ko naman na kung hindi sila busy, talagang walang delay ang pagpapadala nila sa akin ng mga pagkain na nilalambing ko bilang birthday gift. Ipagdarasal ko talaga na manalo sila dahil may karapatan naman ang mga alaga ko na magsilbi sa bayan.

Julie Anne ready na sa kanyang solo concert

May reminder ang GMA Artist Center sa fans ni Julie Anne San Jose, ngayong gabi ang It’s My Time, ang birthday concert ni Julie Anne sa Music Museum.

Special guests ni Julie Anne sa kanyang concert sina Abra, Elmo Magalona, at Frencheska Farr. Si Rico Gutierrez ang direktor ng It’s My Time.

Sa May 17 ang actual birthday ni Julie Anne pero ngayong gabi ang concert niya dahil sa kanyang prior commitments.

Mike Arroyo relaxed na ang hitsura

May nakakita kahapon kay former First Gentleman Mike Arroyo sa Quezon City Memorial Circle.

Ang sabi ng eyewitness, nagmukhang bata at relaxed na relaxed ang itsura ni Papa Mike. Halata raw na hindi na stressful ang buhay ni Papa Mike. Hindi kagaya noong presidente pa ng Pilipinas ang kanyang misis, si ex-President Gloria Macapagal-Arroyo.

Tingnan ninyo si Papa Joseph Estrada. Bagets na bagets din ang itsura mula nang umalis siya sa Malacañang Palace dahil hindi na niya bitbit ang problema ng buong bayan.

Show comments