MANILA, Philippines - Ano ang hindi mo gagawin para sa ‘yong anak? Ito ang tanong na hinarap at patuloy na hinaharap ng independent film actor na si Kristoffer King.
Lumaki si Kristoffer na may pera at exposed sa makamundong mga bagay; ngunit nang mamatay ang kanyang ina, nagbago rin ang buhay niya. Dahil sa kawalan ng panahon ng sariling ama para palakihin siya ng tama, nalulong sa masasamang bisyo si Kristoffer at nawalan ng direksyon ang buhay.
Maagang naging ama si Kristoffer, at para buhayin ang kanyang mag-ina, tumigil ito sa pag-aaral at naging isang back-up dancer. Pero nang makitaan siya ng potential ng isang gay bar owner, inalok siya nito na maging macho dancer.
Dahil sa pangangailangan, tinanggap ni Kristoffer ang alok ng gay bar owner, lalo pa’t mas malaki ang kita sa pagiging macho dancer; ang nasa isip niya ay sandali lamang ang itatagal niya rito. At nang lapitan siya ng isang manager para alukin na maging artista, inakala niyang matatapos na ang kalbaryo niya sa buhay.
Ngunit hindi pa man umuusbong ang kanyang career ay mada-diagnose ang kanyang anak na may Hunter’s SynÂdrome. Mapipilitan si Kristoffer na buÂÂmaÂlik sa mundo ng pagsasayaw. At sa patuloy na pagtaas ng mga bayarin para tustusan ang sakit ng anak, hindi na natapos sa pagsasayaw ang kailangan gawin ni Kristoffer.
Mula sa pagiging independent film actor, magiging isang high-end male prosÂtitute si Kristoffer.
Dadaanan ni Kristoffer ang iba’t ibang hirap para lang mabigyan ng maayos na buhay ang kanyang mag-iina, lalo na ang panganay na si Bukne, ang anak na may Hunter’s Syndrome. At habang itinutuloy ni Kristoffer ang kanyang pagsasayaw, may mag-aalok sa kanya ng buhay na inakalang hindi na muling matitikman.
Isang matandang dalaga ang magyayaya kay Kristoffer ng kasal, at ng green card para manirahan na sa America, ngunit sa isang kondisyon. Iiwan na nito ang dating buhay, at ang lahat ng nakakabit dito, sa Pilipinas.
Ilalahad ni Kristoffer sa Bayarang Adonis: The Kristoffer King Story ng Magpakailanman ang kanyang kuwento na pangungunahan ni Aljur Abrenica sa isang natatanging pagganap bilang si Kristoffer King.
Itinatampok din ang Kapuso actress Max Collins bilang Nikki, ang asawa ni Kristoffer King.
Mula sa mahusay na direksiyon ni Maryo J. delos Reyes, alamin ang landas na pinili ni Kristoffer ngayong darating na Sabado sa Magpakailanman, pagkatapos ng Vampire ang Daddy Ko sa GMA 7.