Dahil sa paglabag sa code of professional responsibility, abogado ni Katrina Halili suspendido ng isang taon!

Sisikapin ng Startalk staff na kunin ang panig ni Atty. Raymond Palad, ang legal counsel ni Katrina Halili sa kaso na isinampa nito laban kay Hayden Kho, Jr.

May balita kasi na nakarating sa Startalk na suspended si Atty. Palad sa practice of law dahil lumabag siya sa code of professional responsibility ng mga lawyer. Diumano, isang taon ang suspension ni Atty. Palad dahil sa mga salita na binitawan niya laban sa Belo Medical Clinic. Hindi raw nag-verify si Atty. Palad­ tungkol sa kaso na walang kinalaman ang klinika ni Dr. Vicki Belo.

Suki ng Startalk si Atty. Palad, lalo na noong kainitan ng kaso nina Katrina at Hayden. Karapatan niya na magsalita at magpaliwanag para mabigyang-linaw ang isyu na kinasasangkutan niya ngayon.

Apat na taon na ang nakalilipas mula nang pumutok ang sex video scandal nina Katrina at Hayden.

Ang akala ng lahat tapos na ang isyu dahil naglabas na ng desisyon ang korte pero hindi pa pala dahil sa bagong isyu na nagsasangkot sa pangalan ni Atty. Raymond Palad.

Bumalik na si Katrina sa showbiz at nanay na siya. Balik-showbiz na rin si Hayden na introducing sa coming soon movie ng Regal Entertainment, Inc., ang The Bride and The Lover.

Pipilitin din ng Startalk staff na hingin ang panig nina Katrina at Hayden tungkol sa alleged suspension ni Atty. Palad.

Teka, sa linggong ito ang presscon ng The Bride and The Lover kaya madaling mahahagilap ng media si Hayden para sa comment nito tungkol sa isyu ni Atty. Palad.

Hindi malinaw sa akin kung sino ang nag-file ng reklamo laban sa abogado. Imposibleng hindi dumalo si Hayden sa presscon ng kanyang unang pelikula sa Regal.

Kapag hindi sumipot si Hayden sa presscon ng The Bride and The Lover, puwedeng puntahan siya ng mga reporter sa set ng indie movie na ginagawa nila ni Raymond Bagatsing. Kontrobersiyal ang kuwento ng indie movie dahil mala-Brokeback Mountain ito as in magkakaroon ng relasyon ang dalawang lead actor ng pelikula.

Kung totoo man na suspended si Atty. Palad, pareho na lang sila ng kapalaran ni Hayden na binawian naman ng medical license ng Professional Regulation Commission (PRC).

Apat na taon nang hindi nakakapag-practice si Hayden ng kanyang propesyon dahil binawi ng PRC ang lisensiya niya nang masangkot siya sa infamous sex video scandal noong 2009.

Dinamdam ni Hayden ang nangyari dahil parang nabalewala ang pagsusunog niya ng kilay sa loob ng maraming taon. Ipinagdarasal niya ang pagdating ng araw na ibabalik ng PRC ang kanyang medical license na natsugi.

Show comments