Naaliw kami kay Rita Avila dahil may halong kaba ang tuwang naramdaman nang malamang extended ang Never Say Goodbye ng TV5. Lalo pa nang malaman ng aktres na marami pa silang eksenang magkasama ni Alice Dixon, iniisip na lang niyang maganda ang kinalabasan nang pag-uusap nila ni Alice nang pagharapin sila ng mga executive ng teleserye para maayos kung may gusot sa kanilang pagitan.
Umaasa na lang si Rita na matatapos ang taping ng teleserye na wala nang totohanang sakitang mangyayari sa kanila ni Alice. Tinanggap ng una ang sinabi ng huli na minsan ay nadadala lang siya ng eksena at hindi alam na nakakasakit na siya and hopefully pinakinggan din ni Alice ang sinabi ng kapwa aktres na sa pag-arte hindi kailangang magkasakitan.
Anyway, nagti-taping na uli si Nora Aunor sa teleserye at magtatapos ang Never Say Goodbye na kompleto ang cast. Teka lang, parang hindi nababanggit sina Vin Abrenica at Sophie Albert gayung launching project nila ito sa TV5. Natabunan ang mga bagets sa balita kina Nora, Alice, Rita, Gardo Verzosa, at Cesar Montano.
Rochelle dinadaan-daanan na lang ng bagong Sexbomb dancers
Hindi pa nagti-taping si Rochelle Pangilinan ng Home Sweet Home. Hindi pa alam kung gaano siya kasama bilang si Wendy del Valle na gustong agawin si Reden (Raymart Santiago) sa asawang si Dulce (Roxanne Guinoo).
Magkasama sina Rochelle at boyfriend na si Arthur Solinap sa comedy/horror/fantasy ng GMA 7 na pilot this Monday bago ang 24 Oras. Hindi lang magka-love team ang dalawa kaya baka hindi magkasama sa eksena.
Going strong ang relasyon nina Rochelle at Arthur. Alam ng binata na naghihintay na lang ng marriage proposal si Rochelle, pero nag-iipon pa raw sila para ‘pag nagpakasal na ay handa nang magpamilya at may ipapakain sa three to four kids na gusto nila.
Nabanggit pala ni Rochelle na hindi siya binabati ng bagong members ng Sexbomb na matagal niyang pinagreynahan. Dinadaan-daanan lang daw siya ng new members sa Party Pilipinas at ang bumabati lang sa kanya ay ’yung ibang older members kahit hindi niya naabutan.
Derek kasama sa top tax payers, P7M ang ibinayad
Mai-interview namin si Derek Ramsay sa taping ng Kidlat mamaya at pagre-react-kin namin ito sa tweet ni Baron Geisler na nami-miss na niya ang Kidlat family at “Hope to see you guys real soon.â€
Ang alam namin, tuluyan nang inalis si Baron sa cast ng teleserye nang pati si Derek ay banggain. Hindi na rin siya pinalitan sa role niyang si Vincent at ang ginawa ng production ay pinagsuot ng mask ang theatre actor na pumalit kay Baron.
Anyway, malalaman natin kung pababalikin pa nila si Baron at kung ano pang mga bago ang mapapanood sa Kidlat sa mga darating na episodes hanggang sa pagtatapos nito.
Iko-congratulate rin namin si Derek for paying the right taxes dahil isa siya sa Top 500 tax payers ng bansa. No. 120 siya at nagbayad ng P7, 076, 553.71 for 2011.
Katawan ni Kim hindi nakitang mag-bloom ni Gerald
Ang sexy ni Kim Chiu sa picture niyang ipinoste sa Instagram (IG) na naka-two-piece suit siya at nasa beach. Hindi sinabi ng dalaga kung saang beach siya at kung sino ang kasama pero kita ang laki nang ipinagbago ng kanyang katawan. Dalagang-dalaga na si Kim sa nasabing litrato.
Natawa kami sa mga comment ng nakakita ng kanyang picture. Sayang daw at hindi siya hinintay ni Gerald Anderson na mag-bloom at may nagsabi pang manghihinayang ang aktor ’pag nakita ang picture ng ex-GF.
Hindi rin maiwasang ikumpara sina Kim at Maja Salvador, kaso lang, nag-unfollow-han na sa IG at Twitter ang dalawa. Hindi na makikita ni Maja ang kaseksihan ng dating kaibigan.