Show ni Marvin inirereklamo!

MANILA, Philippines - Paging TV5! Aware kaya sila na may mga nagre­reklamo sa programa nilang Karenderya Wars na hino-host ni Marvin Agustin? Nasilip nilang (nagre­reklamo) may mga hakot na raw na mamimili ng mga pagkain na ibinibenta ng ilang contestant kaya nganga ang ilang mga kasali sa nasabing contest.

Paano naman daw ang ibang contestant na nag-e-effort at masasarap din namang magluto pero hindi capable na maghakot ng bibili sa kanila?

Ay hala dapat itong solusyunan ng TV5 at ni Marvin Agustin kung saan siya ang producer.

Unfair nga naman ‘yun sa mga nagsisikap na manalo rin sa nasabing contest na ang mananalo at mag-uuwi ng P1 million worth of prizes.

Ang Karinderya Wars ang sinasabing kauna-unahang negosyo-show ay napapanood everyday sa TV5.

Death March pasok sa cannes, Jacky Woo tuwang-tuwa

Tuwang-tuwa si Jacky Woo nang malamang pasok sa 2013 Cannes Film Festival na gaganapin sa May ang historical movie nilang Death March na siya ang producer at isa sa mga bida na dinirek ni Adolph Alix, Jr. Ipapalabas ito sa Un Certain Regard section ng nasabing international festival ayon kay Direk Adolph na tumanggap ng magandang balita noong Huwebes.

Kaya naman nasulit ang hirap nila habang ginagawa ang pelikula.

Kasi naman punung-puno raw sukal at maali­kabok ang pinag-shootingan nila.

Kasama ni Jacky sa pelikula sina Sam Milby, Carlo Aquino, Zanjo Marudo, at Sid Lucero.

Ilang buwan nang wala sa bansa si Jacky Woo dahil abala ito sa kanyang mga negosyo sa Japan.

Hinahanap na nga raw ito ng mga kasamahan niya sa Bubble Gang.

Anyway, hindi man Pinoy si Jacky pero nakapagpagawa naman siya ng eskuwelahan sa Concepcion, Nueva Ecija na pinakikinaba­ngan na ngayon ng 120 na kabataan.

Hapon man siyang maituturing, Pinoy na Pinoy naman ang ugali ni Jacky.

Andeng takot na uling mabuntis

May trauma na si Andeng Bautista-Ynares na magbuntis. Kaya naman, hindi na siya uli nagmamadaling sundan ang pangalawang anak nila Gov. Junjun Yñares na ngayon ay tumatakbong mayor ng Antipolo, Rizal. 

Hindi pa limot ni Andeng, ang namamahala sa Imus Productions (film outfit nina Sen. Bong Revilla), ang nangyari sa pangatlo sana nilang anak. May baby shower sana siya nang araw na madiskubre niyang wala ng buhay ang batang kanyang nasa sinapupunan.

Nahirapan siya noong magbuntis sa nawalang baby na hindi naman pala nila makikitang buhay.

Kinailangan siya noong operahan dahil tinanggal ang baby sa kanyang tummy.

“Kung bibigyan ng Diyos, tatanggapin namin. Pero ‘yung mag-e-effort pa kami, hindi na. Hihintayin na lang namin na bigyan uli kami ng baby,” sabi ni Andeng nang makatsikahan namin three days ago.

Noon kasi ay todo effort silang mag-asawa at kinailangan pa nilang magkonsulta sa mga doctor sa ibang bansa para lang makabuo ng baby.

Isang taon na sana sa August ang nawala nilang baby na papa­ngalanan sana nilang Aubrey.

Samantala, botong-boto si Andeng kay Jodi Sta. Maria na girlfriend ng isa sa mga favorite pamangkin niyang si Jolo Revilla.

Ang feeling niya, perfect ang combination ng dalawa. Wala rin siyang masabi sa kabaitan ng actress.

Anyway, bilang asawa ng pulitiko ngarag si Andeng sa kampanya. Hindi na raw sila kumuha ng mga artista dahil malaki ang budget kung kukuha pa sila. So siya na lang ang kumakanta sa kampanya.

At ang madalas niyang kantahin, ang theme song nilang mag- asawa, ang All my Life at Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko.

“Nagpagawa ako ng compilation ng mga kanta, kaya paos ako ngayon,” dagdag niya.

Pero minsan naman daw ay sumaglit doon si Jodi at pumasyal din si Andrew E.

 

Show comments