MANILA, Philippines - Sa katayuan sa buhay at katanyagan ni Mader Ricky Reyes ay dapat marangya o magarbo ang selebrasyon pagsapit ng kanyang kaarawan. Pero hindi ito ang ninais ng byuti guru.
Abril 12 ang birthday ni Mader at nung Abril 10 ay nakapiling siya ng mga batang maysakit na nakatira sa Childhaus na halfway house na donasyon ng mabait na negosyanteng si Henry Sy at anak na si Hans Sy sa Matimtiman Street, Diliman, Quezon City.
Nung Abril 14 nama’y pinasiyahan ang bagong Henry Sy Wing ng Philippine General Hospital (PGH) Cancer Ward for children. Sampung kuwarto sa ikalawang palapag ng Cancer Society ang ipinaayos ng mga Sy at ang turn over kay PGH Director Dr. Joey Ignacio ay itinapat sa pagsasalu-salo para sa kaarawan ng founder ng Munting Paraiso na dinaluhan ng mga kaibigan ni Mader at ang nagbigay ng musical numbers ay sina Rita de Guzman ng GMA -7 at Myrus ng ABS-CBN. Dumalo rin si former Ilocos Gob. Chavit Singson at nagbigay ng one million pesos sa Ricky Reyes Foundation.
Sa Sabado’y mapapanood sa Gandang Ricky Reyes Todo Na Toh ng GMA News TV at prodyus ng ScriptoVision alas-nuwebe hanggang alas-diyes ng umaga ang dalawang nabanggit na pagdiriwang. Pati na ang asalto ng mga tauhan ng Ricky Reyes Group of Companies sa 2R Building sa San Juan City nung Abril 11 na dinaluhan ni Ms. Pilita Corrales at ng mga impersonators na Raging Divas ay mapapanood.