Transman bibida ang istorya sa Magpakailanman

MANILA, Philippines - “Transman” - ipinanganak na may kasarian ng babae ngunit kinikilala ang sarili na isang lalaki. Kung unti-unti nang natatanggap ang mga bakla at tomboy, may puwang na rin ba ang mga transgender at transsexual na matanggap rin ng mga tao? Ito ang magiging tanong ni Nil Nodalo sa kanyang paglaki.

Mula pagkabata, alam na ni Marie Nodalo na iba siya sa mga ka-edarang babae. Hindi siya mahilig mag-ayos, at ang hilig niya ay ang makipag-baril-bari­l­an sa mga kaibigang lalaki. Ngunit makukumpirma ni Marie na iba siya talaga nang umibig siya sa kapwa niya babae.

Hindi man tinanggap ng unang niligawan, nalinawan at natanggap na ni Marie na hindi siya babae; kaya magde-desisyon siyang maging si Nil.

Tanggap man ng barkada, isang taong malapit sa puso ni Nil ang hindi alam kung paano haharapin ang katotohanang ito, ang kanyang ina.

Sa simula ay hahayaan lang ng ina ang ginagawa ng anak, umaasang mawawala rin ito sa isip ni Nil sa kaniyang pagtanda. Ngunit nang magkaroon ng girlfriend si Nil na tanggap kung ano ang kasarian niya, unti-unting nawalan ng pag-asa ang ina ni Nil.

Lalakas naman ang paniniwala ni Nil na matatanggap nga ng mga tao ang tulad niya: Babae ang katawan, ngunit lalaki ang damdamin.

Hanggang sa ihiwalay sa kanya ang babaeng minamahal at hanggang sa maging ang nanay niya ay tumalikod na sa kanya.

Ito na nga ba ang buhay na gugustuhin ni Nil? Magagawa ba niyang panindigan ang isinisigaw ng puso’t saloobin? O, para muling mahalin ng mga taong minamahal, susundin na lang ba niya ang dikta ng komunidad?

Alamin ang kanyang kuwento ngayong Sabado sa Magpakailanman, pagkatapos ng Vampire ang Daddy Ko sa GMA7.

Transman: The Nil Nodalo Story features Andrea Torres, Mike Tan, at Sabrina Mann sa kanilang natatanging pagganap bilang si Nil Nodalo at ito ay mula sa direksiyon ni Dominic Zapata. Kasama rin sina Dion Ignacio, Rhen Escano, at si Sharmaine Arnaiz.

Show comments