Mahirap at mayaman magsasama-sama sa Mayo

MANILA, Philippines - Kada tatlong taon, may isang araw na nagsasama-sama ang mga Pilipino para sa iisang hangarin. Sa araw na ito, walang mahirap o mayaman, lahat pantay-pantay. Dahil sa araw na ito, ano man ang estado sa buhay, may kapangyarihang mamimili ng lider na iluluklok sa pwesto.

Ngayong Abril, samahan ang I-Witness sa pagbibigay mukha sa iba’t ibang botante sa bansa. Dahil sa araw ng eleksiyon, higit sa mga kandidato, ang mga botante ang siyang magdedesisyon para sa kinabukasan ng bayan.

Ang pagboto ay isang simbolo ng kalayaan. Ngunit para sa mga nakakulong, ang karapatang ito ay kasama sa mga natanggal sa kanilang pagpasok sa rehas.

Pero noong taong 2010, sa pamamagitan ng Comelec Resolution # 9371, binibigyan na ng karapatang bumoto ang sinumang nakakulong na hindi pa napapatawan ng sentensiya.

Kaya para kina tatay Rogelio, 81 taong gulang, at Dennis, edad 28, kasalukuyang mga preso sa Manila City Jail, isang paraan ng pagbibigay ng importansiya sa mga katulad nila ang makaboto.

Ang Manila City Jail ang may pinakamaraming rehistradong botante sa lahat ng kulungan sa bansa.

Sa kalagayan ni Dennis, na apat na taon nang nakakulong dahil sa salang murder, ang pagboto ang isa sa nakikita niyang tulong para makagaan sa kanyang kalagayan. Baldado na si Dennis dahil sa pagkakabaril sa kanyang tagiliran. Isang politiko raw ang tumulong sa kanya. Kaya ito na rin ang iboboto niya sa darating na halalan.

Para naman kay tatay Rogelio na nakulong dahil sa salang pagnanakaw ng cellphone, umaasa siyang magkakaroon pa rin ng pagbabago sa kalagayan ng mga katulad niyang naghihikahos.

Ang kalayaang makapili ng mga napupusuan nilang iluklok sa puwesto ang tanging kalayaan na lamang na maibibigay sa kanila.

Tunghayan ang kanilang kuwento ngayong Lu­nes, Abril 15, sa I-Witness pagkatapos ng Saksi sa GMA-7.

Show comments