Nami-miss na ni Marvin Agustin ang paglabas sa telebisyon lalo na sa drama. Maraming offer ang natatanggap ng aktor kaya makakapamili sa karakter na gustong gampanan.
Anang aktor, ‘‘Basta’t maganda ang proyekto kahit na kontrabida pa ang role ko ay payag ako. Nami-miss ko na talaga ang pag-arte. Gusto ko ring magprodyus ng teleserye na pambata — ’yung fantaserye o magical ang tema.’’
Si Marvin ang host ng Karinderya Wars ngayon sa TV5, isang cooking competition reality show. Ito rin ang kauna-unahang TV search para sa next ‘‘luto negosyo’’ show ng bansa. Ayon sa aktor at food entrepreneur, layunin ng show na gumawa ng tamang negosyo at kung paano ito patatakbuhin.
Siyam na finalists ang maglalaban at isa sa kanila ang matatanggal bawat linggo pagkatapos ng series ng iba’t ibang challenges. Ang siyam na finalists ay sina Agot Evangelista, Vivian Pinlac, Cesar Enriquez, Rose Estanol, Mary Jane Anunciacion, Rona del Rosa, Sharlito Resimolo, Aasish Mirpuri, at Aiman Perea.
‘‘Ang sarap magprodyus ng reality show na nagbibigay katuparan sa kanilang pangarap sa buhay. Nagsimula ako bilang waiter, nagtitinda ng barbeque at halo-halo sa labas ng bahay pero nakaahon sa buhay sa pamaÂmagitan ng tiyaga at sipag,’’ sabi ng aktor.
Malaki ang naitulong ng karinderya sa ilang finalists dahil sa maliit lang na pinuhunan ay lumago ang negosyo at nakapagbayad sila ng utang at nakapagpatayo pa ng bahay.
Magsisimula na ang Karinderya Wars bukas, April 8, simula 11:15 a.m. sa TV5.