Carmina pag-aaral lang ang kundisyon sa kambal na anak

Dalagita at binatilyo na ngayon ang kambal na anak nina Carmina Villaroel at Zoren Legaspi na sina Cassey at Mavey. Ayon kay Carmina ay nasanay na ang mga anak sa kanyang trabaho at nauunawaan naman daw ng kambal ang pagiging abala niya.

“Every time na gumagawa naman ako ng panibagong show I tell them what I’m going to do. Ngayon nga parang sanay na sila and they ask me things like, ‘Who are you going to interview?’ or parang noong Black Saturday they asked ‘Do you have S.I.R. (Showbiz Inside Report) today?’ So, parang alam talaga nila ‘yung schedule ko,” kuwento ni Carmina.

Napapansin ng aktres ang pagiging interesado sa showbiz ni Cassey at wala naman daw problema kung tuluyang pasukin ito ng anak.

“Parang feeling ko roon talaga siya papunta kasi nagbo-voice lessons, nag-aral siya sa G-Force, nagda-dancing lessons, piano lessons. ’Tapos siyempre kahit paano nabihasa na rin sa commercials so, kung doon siya papunta, hindi ako magtataka. Wala naman akong choice basta mag-aral lang siya. ‘Yun lang ang condition ko, tapusin lang ‘yung pag-aaral, huwag niyang papabayaan,” nakangiting pahayag ni Carmina.

Ipinagtapat din ng aktres na hindi na sila naghahangad ni Zoren na sundan pa ang kanilang kambal.

“Parang hindi na yata, baka hindi na kasi medyo malayo na ‘yung age gap eh. Gusto ko sana pero mukhang malayo na eh. We’re not really trying pero kapag dumating eh di sige open naman kami. Pero kung hindi naman, okay lang din,” giit pa niya.

Kathryn ipaglalaban si Daniel sa mga kaaway

May mga isyung naglalabasan na diumano ay naging mayabang na si Daniel Padilla. May mga nakapapansin sa pagiging mayabang ng aktor mula nang sumikat ito. Ipinagtanggol naman ng ka-M.U. at kaparehang si Kathryn Bernardo ang mga isyung ipinupukol kay Daniel.

“Siguro ‘yung good thing kay DJ (palayaw ni Daniel) nagsimula kami sa Princess and I. Bago pa lahat ng mga na-accomplish niya nga­yon, totoo na siya sa sarili niya,” makahulugang pahayag ni Kathryn.

Napag-usapan na rin nila ni Daniel ang tungkol sa nasabing isyu.

“Sabi niya, ‘Mas okay na rin na ipakita ko na okay ako kaysa mag-try ako na maging okay ako.’ Kasi kapag sumikat ka talaga, baka sabihin nila nagbago ka. Eh noong simula pa lang ganun na talaga si DJ. Hindi naman siya maangas. Personality niya talaga na sinasabi niya kung ano ang gusto niya. ’Tapos kung ano ‘yung nararamdaman niya sasabihin niya kaya nagpapakatotoo lang siya,” dagdag pa ng dalaga.

Nakahanda raw suportahan at ipagtanggol ni Kathryn si Daniel kung mayroon mang mang-aaway sa binata.

“Kasi si DJ ganun din naman siya sa akin, na willing siyang ipagtanggol ako kapag may umaaway sa akin ganyan. So, vice versa. Saluhan kaming dalawa,” pagtatapos ng young actress. Reports from JAMES C. CANTOS

 

Show comments