Ayaw nang bise presidente lang, pagpi-presidente ang diumano’y target ni Kris

Tinawag na rumormonger ng Malacañang Pa­lace si Bishop Oscar Cruz dahil ito raw ang source ng tsismis na may plano si Kris Aquino na kumandidatong vice president sa 2016 elections.

Iba naman ang tsismis na narinig ko, ang maging presidente at hindi vice president ng ating bayan ang diumano’y target ni Kris.

I repeat, tsismis ang narinig ko na kumalat nang lumipad sa Europe si Kris at ang kanyang mga anak para sa kanilang Holy Week vacation. 

Magkaiba ang mga version na nababasa natin kaya nag-react ang Malacañang. Hintayin na lang natin ang 2016 dahil ito ang wastong panahon para malaman natin kung true or false ang tsismis ni Bishop Cruz.

Raymond dream maging bading

May kontrata si Raymond Bagatsing sa GMA 7 kaya hindi siya puwedeng umapir sa mga show ng ibang TV networks.

Napanood si Raymond sa Temptation of Wife na nag-goodbye kagabi sa ere pero siguradong bi­big­­yan agad siya ng bagong project ng Kapuso Network.

Sinabi sa akin ni Raymond na gumanap na ba­ding ang kanyang dream role. Perfect ang kanyang bading acting at tinanong pa niya ako kung gusto kong makita. Hindi na ‘no?!

Alam ko na mahusay na aktor si Raymond at carry niya na gampanan ang lahat ng klase ng role. Hindi ko na pinapangarap na makita siya na umaarte na bading. Ipaubaya na lang niya ang mga ganoong klase ng role kay BB Gandanghari.

Rhian namigay ng tuyo

Maraming salamat kay Rhian Ramos dahil sa dalawang bote ng homemade tuyo na ipinadala niya sa bahay ko noong Holy Week.

Sa totoo lang, na-touch ako sa kind gesture ni Rhian dahil na-locate niya ang bahay ko na pagkalayu-layo at mahirap puntahan. Eh ang sarap-sarap pa ng tuyo na perfect for Holy Week at gawa ng kanyang mother dear.

Bayang Magiliw sakto ngayong eleksiyon

Bayang Magiliw ang title ng coming soon movie ni Wendell Ramos. Bayang Magiliw dahil Magiliw ang pangalan ng isang fictional town sa Quezon na pinangyarihan ng kuwento.

Mayor ng Magiliw ang role ni Wendell na pumayag na maghubo’t hubad sa isang eksena dahil kailangan ito sa kuwento ng pelikula.

Showing sa mga sinehan sa April 17 ang Bayang Magiliw na bagay na bagay sa nalalapit na eleksiyon sa ating bansa. Tiyak na makaka-relate ang manonood sa kuwento ng Bayang Magiliw dahil nangyayari ito sa tunay na buhay.

Coming Soon makakalaban ng Bayang...

Ang Coming Soon ang makakalaban sa takilya ng Bayang Magiliw. Sa April 17 din ang playdate ng Coming Soon at starring sa pelikula sina Andi Eigenmann, Glaiza de Castro, at Dominic Roco.

Mahirap hulaan ang kuwento ng Coming Soon pero may nagsabi sa akin na tungkol sa end of the world na hindi nangyari noong 2012 ang kuwento ng unang movie project ng Fearless Productions ni Ronald Singson.

Show comments