Krista takot sa karma, kakausapin na si Sunshine!

MANILA, Philippines - Nagsalita na rin ang kontrobersiyal na si Krista Miller tungkol sa pagkakasangkot niya sa paghihiwalay ng mag-asawang Cesar Montano at Sunshine Cruz. Kasama kasi ang newcomer sa reality competition show ng TV5 na Boracay Bodies at hindi siya nakawala sa mga katanungan sa kanya tungkol sa nangyaring gulo sa mag-asawang producer ng kanyang unang pelikula.

“Ako, dedma lang ako. Kumbaga, focused talaga ako sa career ko ngayon kasi kung iniisip mo siya parang binibigyan mo lang ng problema ang sarili mo,” diin ng sexy starlet.

Working relationship lang meron sila ni Cesar. Relasyon ng isang artista at direktor na nagkatrabaho sa set. Nabigyan lang daw ng ma­lisya ang pagiging close nila.

“’Yung mga biru-biruan lang. Ako kasi ’yung tipo ng tao na naki­kisama ako, palabiro ako, kahit kanino. Kung nakikipagbiruan ka sa ‘kin, sasakay ako,” paglilinaw niya.

Wala nga raw katotohanan ang mga diumanong niregalo raw sa kanya ni Cesar, lalo na ‘yung iPhone 5.

“Nakaka-receive ako ng mga gift sa mga ibang manliligaw ko, sa friends ko, pero wala akong natanggap na gift galing kay Direk Cesar.

“Noong Christmas party nila, binigyan ako ng jewelry box. ’Yun lang at wala ‘yung mga sinasabi ni Sunshine na iPhone 5 at iba pang gifts,” rason ni Krista.

Gusto ngang kausapin ng personal ni Krista si Sunshine para malinis ang pangalan niya.

“Gusto ko para magkaayos kami. Magkausap kami. Malinaw naming ’yung isa’t isa. ’Yung dapat linawin,” sabi ni Krista. “Kung mabibigyan kami ng pagkakataong magkausap kami, why not?”

Hindi raw siya ang tipo na maninira ng pamilya.

Dagdag niya, “Bakit naman ako maninira ng pamilya? Siyempre, ako, may pamilya rin ako. Ako, only girl pa ‘ko sa aming magkakapatid. Ayoko rin naman ’yung babalik sa akin kung anuman ’yung gagawin ko.”

Show comments