Sen. Bong at Aljur magtutulungan

MANILA, Philippines - Ngayong Lunes sa Indio, magigising na si Bahandi (Aljur Abrenica) at masosorpresa pagkakita kay Malaya (Sen. Bong Revilla, Jr.). Magiging maliwanag na ang lahat kay Bahandi na simula noong una ay nagsasabi na ng totoo si Malaya. Magkakasundo na sila at dadalhin ni Malaya sina Bahandi sa kuta ng mga Insurrecto sa takot na sugurin ulit sila ni Juancho (Michael de Mesa).

Makakaisip naman ulit ng bagong plano si Juancho upang mahuli niya ang mga diwata. Subalit maaalarma naman siya pagkakita sa mga soldados nitong sugatan pati si Hernando. Magagalit lalo si Juancho sa mga Insurrecto at titindi pa ang kagustuhan nitong umakyat sa ilaya — upang paslangin ang mga Insurrecto at mapatunayang naroon ang tirahan ng mga diwata.

Kung dati’y magkaaway naman ang tingin nina Malaya at Bahandi, magtutulungan na ngayon sila. Imumungkahi ni Bahandi na turuan si Malaya sa kung paano ang tamang paraan ng pakikipaglaban.

Susugod na rin sina Juancho kasama ng mga soldados niya sa ilaya!

Upang subukan ang kakayahan ni Malaya, hahamunin siya ni Bahandi sa isang laban at magagapi siya ni Bahandi. Masasaksihan naman lahat ito ni Cosme (Robert Arevalo). Samantala, patuloy namang mamatyagan ng mga diwata ang hukbo ni Juancho na paakyat na sa Ilaya — alam nila ang binabalak ng Kastila.

Makakarating na sina Juancho sa ilaya at uutusan niya ang mga diwata na magpakita sa kanya subalit magmamatigas ang mga diwata kaya magagalit ng husto si Juancho. Dahil doon, tutukan niya ng baril ang isang Indio!

Sa gagawing iyon ni Juancho, magpapakita kaya ang mga diwata o hahayaan nilang mapatay nito ang Indio?

At sa Martes, hindi makikinig ang mga diwata sa pananakot ni Juancho kung kaya’t papatayin nga niya ang Indio.  Maaawa naman ng husto si Tuhay sa kapwa niya Indio.

Dismayado naman si Cosme sa ipinagtapat ni Malaya pero mauunawaan niya ito at sasang-ayon sa plano ni Malaya na ipagtapat na rin sa ibang Insurrecto. Iyon nga lang mauudlot ito sa pagdating ng mga bagong miyembro ng mga Insurrecto.

Sa pagpapatuloy ng paghahanap ni Juancho ng mga Diwata, paglalaruan siya ng mga diwata at sa pagbabalik niya sa Encomienda, pagsususpetsahan siya ni Victoria (Jackielou Blanco) na nababaliw na.

Hindi ulit magagawang ipagtapat ni Malaya ang sikreto niya sa mga Insurrecto bagkus ay aalukin niya si Bahandi na magturo sa kanila ng tamang paraan ng pakikipaglaban. Maluwag itong tatanggapin ni Bahandi.

Muling magkikita naman sina Mayang (Sheena Halili) at Tuhay. Malalaman na ni Tuhay na nabuhay ngang muli si Simeon/ Malaya.

Sa Maynilad naman, may madidiskubre si Elena (Vaness del Moral) tungkol sa mga Galleon at maiisipan niya itong looban bilang pirata. Mapipilit ni Elena ang ilang kalalakihan sumali sa grupo niya pero magdadalawang isip naman si Diego.

Isang miyembro naman ng mga Insurrecto ang tatraydor kay Malaya. Ngunit bago ito makapagsumbong kay Juancho pipigilan siya ng mga diwata kaya naman papatayin siya ni Juancho.

Sasama na ulit si Mayang kay Tuhay (Dominic Roco) patu­ngong Ilawod dahil na rin sa pag-aalala niya kay Malaya at walang anu-ano’y matutumba na lang si Tuhay dahil sa taas ng lagnat.

Samantala sisimulan ni Bahandi  (Aljur Abrenica) na sanayin ang mga Insurrecto sa pakikipaglaban, maging si Malaya ay sasanayin din niya.  Hahanapin naman nila Pedro (Mike Pekto Nacua) at Juaning (John Fier) ang kasamahan nilang Insurrecto sa Ilawod, ito ang insurrectong napatay na pala ni Juancho. Sa paghahanap nila, ibang tao ang makikita nila –– si Esperanza (Jennylyn Mercado)!

 

Show comments