Hindi na babawiin ng Entertainment Press Society (Enpress) ang best supporting actor award ni Paulo Avelino dahil inamin nito ang kanyang pagkakamali nang magbitiw siya ng bad joke sa Golden Screen Awards for Television noong March 1.
Parang public apology ang ginawa ni Paulo nang magpainterbyu siya kahapon sa mga TV reporter sa set ng The Bride and the Lover.
Ang say ni Paulo, nalungkot siya dahil hindi niya intensiyon na ma-offend ang mga member ng Enpress na nag-react sa kanyang joke.
All’s well that ends well. Nalutas na ang problema ni Paulo dahil tinanggap ng Enpress ang public apoÂlogy na ipinarating niya sa mga member sa pamamagitan ni Enpress President Jun Nardo.
Alessandra todo paliwanag kay Marian, hindi naisip na mali ang sinabi
Absuwelto si Alessandra de Rossi sa fans ni Marian Rivera na nagkamali ng pagkakaintindi sa sinabi niya sa isang interbyu nang dumalo siya sa Golden Screen Awards for Television.
Nalinawan ang pag-iisip ng fans na nagmalisya nang ipaliwanag ni Alessandra na nainterbyu ito ng mga TV crew bago siya pumasok sa venue.
Nang oras na ‘yon, wala pa ang announcement ng best actress winner.
Nag-dialogue kasi si Alessandra sa TV interview sa kanya na may mga nananalo na hindi deserving at ang akala ng fans si Marian ang tinutukoy niya.
Walang-wala sa isip ni Alessandra na bibigyan ng malisya ang kanyang mga pahayag kaya naloka siya sa mga tweet na natanggap mula sa fans na nag-react.
Aral sa mga tagahanga ang nangyari. Para hindi kayo mapahiya, mag-isip nang maraming beses bago mag-tweet.
Julio hindi pinagdamutan sa Pahiram…, ibinalik kahit kakaopera
Nabasa ko na ang synopsis ng mga mangyayari sa huling linggo sa telebisyon ng Pahiram ng Sandali.
Sa totoo lang, nalungkot ako nang malaman ko ang mga mangyayari sa karakter ng primetime drama series ng GMA 7 na magpapaalam sa ere sa Biyernes, March 15.
Hindi ko ine-expect na maraming pagbabago ang magaganap sa buhay nina Janice, Alex, Cindy, Andrew, at Baby, ang lead characters ng Pahiram ng Sandali.
Totoo ang kuwento ni Dingdong Dantes sa farewell presscon ng Pahiram ng Sandali na magbabalik si Julio Diaz. Palalabasin sa kuwento na naaksidente sa motorsiklo ang karakter ni Julio kaya gumagamit siya ng saklay. Sa tunay na buhay, inoÂperahan si Julio sa balakang dahil sa aksidente na nangyari sa shooting ng isang indie movie.
Puwede nang hindi pabalikin ang karakter ni Julio sa Pahiram ng Sandali pero hindi maramot ang production staff kaya ibinalik siya.
Gov. ER maligayang-maligaya sa award
Congrats kay Laguna Governor ER Ejercito dahil siya ang hinirang na best actor sa Star Awards for Movies.
Maligayang-maligaya si ER sa award na kanyang natanggap. Hindi niya inaasahan ang kanyang tagumpay dahil hindi siya nag-win sa awards night ng 2012 Metro Manila Film Festival.
Knowing ER, magpapatawag uli siya ng victory party tulad ng nangyari noong nakaraang taon nang manalo siya ng best actor trophy para sa Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story. Natatandaan ko pa na ginanap ang victory party ni ER sa Club Filipino at hindi siya na-late sa sariling party.
Ugali ng mga Ejercito at Estrada na i-share sa entertainment press ang kanilang mga tagumpay.
Post-Valentine party…
May pupuntahan ako ngayon na post-Valentine party at excited ako dahil mga bonggang premyo ang ipapa-raffle.
Saka ko na lang ikukuwento ang mga kaganapan sa party or else, baka sumugod ang mga gaka na palaging nakaabang sa mga showbiz event na pupuntahan nila, invited man sila o hindi.