Salamat Tito Dolphy, Choose Philippines wagi sa Anvil

MANILA, Philippines -  Humakot ng pitong parangal ang ABS-CBN Corporation para sa pinakamahuhusay nitong public relations (PR) programs at tools sa ginanap na Anvil Awards, ang tinaguriang Oscars sa Philippine PR industry.

Panalo ang Salamat Tito Dolphy, na tribute na binigay ng ABS-CBN para sa King of Comedy, para sa epektibong pag-oorganisa ng isang necrological service na nagtipun-tipon sa pamilya, kaibigan, naging katrabaho, at mga tagasuporta ni Dolphy sa loob lang ng 24 oras nang ito ay pumanaw.

Wagi naman ang Choose Philippines website ng ABS-CBN Regional Network Group na nagsulong ng turismo ng bansa online sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga Pinoy netizens ng kanilang sariling testimonya sa likas na ganda ng bansa. Pumalo sa 2.4 milyon ang bumisita sa website simula ng mag-umpisa ito noong Abril 2011 at ang theme song nito na Piliin Mo Ang Pilipinas, na inawit nina Angeline Quinto at Vincent Bueno, ay patok na patok pa rin sa publiko.

Dahil naman sa agarang pagresponde at pagtulong sa mga biktima ng bagyong Ondoy kung kaya’t ginawaran din ng Anvil award ang Sagip Kapa­milya Ondoy Relief Operations.

Kinilala rin ang TV Patrol: 25 Taon ng Pagbabalita anniversary campaign na sumariwa sa tagumpay ng primetime newscast ng ABS-CBN sa loob ng mahigit dalawang dekada. Binalikan nito ang pinakamalalaking balita sa bansa sa nakaraang 25 taon na tinutukan, ibinalita at ipinagbigay alam sa publiko ng TV Patrol.  

Samantala, tumanggap din ng pagkilala ang numero unong AM station na DZMM Radyo Patrol 630 para sa year-long 25th anniversary celebration nito na DZMM SilveRadyo. Pinagdiwang nito ang 25 taon ng serbisyo ng DZMM at kung paano nito pinanindigan ang pagiging “una sa balita, una sa public service”.

Ang summer station ID naman ng ABS-CBN Creative Communications Management na Pinoy Summer Da Best Forever ay ginawaran ng Anvil para sa music video nito na nagpinta ng makulay na larawan kung paano ipinagmamalaki ng mga Pinoy ang kanilang pinagmanahan at pagpapahalaga sa pamamagitan ng pagdiriwang ng mga piyesta.

Ang ABS-CBN ang may pinakamaraming pagkilala sa nauwi nitong pitong Anvil awards kumpara sa TV5 na may tatlo habang hindi naman nakapag-uwi ang GMA 7.

Ang Anvil Awards ay taunang inoorganisa ng Public Relations Society of the Philippines (PRSP) para sa mga natatanging programa na nagpamalas ng husay sa larangan ng public relations at business communications.

Bukod sa Anvil Awards, nakatanggap din ng walong parangal ang ABS-CBN sa Philippine Quill Awards ng International Association of Business Communicators.

 

Show comments