Willie binuweltahan ni Ethel Booba, sinumbatan din ng mga naitulong niya noon

Hindi ikatutuwa nina Willie Revillame at Cristy Fermin ang mga nabasa naming tweets ni Ethel Booba tungkol sa kanilang dalawa. Sa Twitter naglabas ng kanyang damdamin si Ethel sa nangyari sa Wowowillie, at mga sinabi ni Willie sa kanila ni Ate Gay.

Tweet ni Ethel, tropa sila ni Willie noon pa at isa siya sa mga tumulong dito noong down na down ito. Gini-guest niya ito sa kanyang mga concert dahil friends nga sila. Siya rin daw ang nagrekomenda kay Willie na i-guest sa Extra Challenge dati, pero hindi pumayag ang TV host at si Andrew E na mag-bungee jumping, kaya siya ang gumawa.

Twinet din ni Ethel na suwerte ni Willie na napasama sa episode ng Extra Challenge  na kinunan sa Indonesia dahil highest rating ‘yun. Sabi nito: “Nakisawsaw siya sa kasikatan ko before! From then, marami na siyang naging shows.“

Ano kaya ang reaction dito ni Willie!

Ryan gagawa ng indie para sa FDCP Festival

Dalawang awards ang inuwi ni Ryan Agoncillo sa 2012 Golden Screen TV Awards last Friday. Siya ang nanalong Outstanding Male Host In A Musical or Variety Program para sa Eat…Bulaga. Ang hino-host nitong Talentadong Pinoy ng TV5 ang Outstanding Original Rea­lity/Competition Program.

Pagkatapos manalo sa Golden Screen, muling gagawa ng pelikula si Ryan. Isang indie film to be directed by Joey Reyes para sa Film Development Council of the Philippine Festival.

Tungkol sa yayang tumanda ang concept ng pelikula. Si Ryan ang gaganap na inalagaan ng yaya na gagampanan ni Rustica Carpio. Excited na ang TV host na muling gumawa ng indie film, ang last niya ay ang Umaaraw Umuulan kapareha ni Lara Quigaman sa movie production ng pamilya ni Quezon City Mayor Herbert Bautista.

Richard Yap hindi nao-offend pag may beki na gustong magpaanak sa kanya!

Isa sa pinagkaguluhan sa nakaraang Gol­den Screen TV Awards si Richard Yap o si Sir Chief ng Be Careful with My Heart.Mula pag­dating ng Teatrino hanggang paglabas, pi­nag­ka­guluhan siya. Kahit nakaupo at nanonood ng awards night, may mga lumapit pa rin para magpakuha ng picture.

Kasama ni Richard ang misis niya sa Tea­trino sa pagtanggap niya ng first award sa En­press o Entertainment Press bilang Outstanding Breakthrough Performance By An Actor para sa My Binondo Girl  ng ABS-CBN.

‘Katuwa ang kuwento ni Richard, minsan daw naglalakad siya sa Greenhills, may beki na lumapit sa kanya at ang dialogue ay “anakan mo ako.” Natawa na lang daw siya at never na-offend.

Alden type ligawan si Lauren

Biniro namin si Alden Richards na batay sa ku­wento niya kay Lauren Young na makaka-love triangle nila ni Louise delos Reyes sa Mundo Mo’y Akin, parang ha­ngang-hanga ito sa bagong Ka­puso actress. Sa screen test pa lang daw ni Lauren, alam niyang babagay ito sa role na ibinigay sa kanya at magsa-swak sa kanila ni Louise.

Heto pa, magkasundo rin sila ni Lauren dahil ma­galing itong magluto at tama ba ang dinig naming nag-culinary studies? Siya raw ay mahilig ding magluto, marami raw silang mapagkukuwentuhan ng bagong makakapareha.

Hindi kami sinagot ni Alden kung posibleng ligawan niya si Lauren kung wala itong Elmo Magalona. Pero sabi naman ni Saab Magalona, hindi GF ng kapatid niya si Lauren, friends lang daw ang dalawa dahil close sa family nila si Lauren.

Pinag-react naman si Alden sa inamin ni Enzo Pineda na nagselos ito sa kanya noong bago pa lang ang love team nila ng GF nitong si Louise? “Walang ganoon, trabaho lang naman ang ginagawa namin ni Louise,” sagot nito.

Show comments