Mega nanghinayang sa pinakawalang manliligaw ni KC

Kamakailan ay napabalitang nagkakamabutihan na sina KC Concepcion at ang French suitor niyang si Pierre Emmanuel Plassart. Aminado ang aktres na ilang beses na rin silang nagkasama ng binata at ngayon ay napagtanto raw ni KC na hindi pa siya handa na muling pumasok sa isang seryosong relasyon.

Mabuti raw na maging magkaibigan na lang muna silang dalawa ni Pierre. “Dumating lang siguro sa point na sumeryoso masyado and na-realize ko na hindi pa pala ako ready maging sobrang serious so kesa mag-progress pa at masaktan siya in the end, parang prineserve ko muna kung ano man ‘yung friendship na meron kami and pickup siguro in the future kapag ready na kaming dalawa,” kuwento ni KC.

Napag-usapan na raw nilang dalawa ang kanilang sitwasyon at naunawaan naman daw ni Pierre si KC. “Although siyempre pinu-push niya ‘yung parang he’s fighting for love. Wala pa ako sa level na ‘yun, marami pa akong gustong gawin. Siguro for now, sacrifice na lang muna. Nag-uusap pa rin kami kasi malalim na rin ‘yung friendship namin ni Pierre,” paliwanag ng dalaga.

Ikinalungkot daw ng ina ni KC na si Sharon Cuneta nang mabalitaan na hindi nagkatuluyan ang anak at si Pierre at ngayon ay nananatiling single pa rin si KC. “Siyempre for her may mga times na nanghihinayang siya. Sabi niya, ‘Ang dise-disente na niya,’ ‘yung ganyan-ganyan. Pero sabi ko rin kaysa pilitin ko ‘yung issue parang I’ll just have fun muna. Parang ayoko pang gawin kapag hindi ako ready. Hindi ko rin mapanindigan, basta hindi pa ako ready,” giit pa ng aktres.

Kathryn ayaw talian si Daniel

Sa March 13 ay palabas na sa mga sinehan ang kauna-unahang pelikula nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla na Must Be… Love. Maituturing na ang Kath-Niel ang pinakasikat na tambalan ngayon para sa mga kabataan. “Siguro naging interesting sa viewers ‘yung pagiging love team namin ni DJ (palayaw ni Daniel) kahit very opposite kami pagdating sa pananamit, pananalita, pagkilos at personality. ‘Yung ibang teenagers like us, nakikita nila ‘yung mga sarili nila sa amin. At kami, ‘yung ginagawa namin, pang-age talaga namin,” paliwanag ni Kathryn.

Umamin na raw si Daniel na magka-M.U. o mayroon na silang Mutual Understanding sa totoong buhay ng young actress. “Parang ganun, kasi iba-iba na daw definition ng M.U. basta sa aming dalawa nagkakaintindihan kami and siguro parang high school ‘yung stage naming dalawa, basta hindi minamadali. Kasi ‘yung M.U. nga para sa akin, hindi ‘yung kayo na eh. Basta hindi ko naman siya pinipigilan din na ma-link sa iba, so okay lang sa akin ‘yun. Pero ‘yung very comfortable kayo sa isa’t isa, nasasabi mo sa kanya lahat ng problema mo and humihingi ako ng advice sa kanya, very open ako kay DJ,” nakangiting pahayag ni Kathryn.

Hindi rin daw pinagseselosan ng dalaga ang lahat ng mga tagahangang nagkakagusto kay Daniel dahil nauunawaan ni Kathryn ang kanilang trabaho. Reports from JAMES C. CANTOS

                                                                 

 

Show comments